“Paano ka mananalo sa boksing kung nasa labas ka ng ring? Ito ang dahilan kung bakit ako tatakbo sa pagkasenador.”

Ito ang tahasang sinabi ni Atty. Levi Baligod, ang pangunahing abogado ng mga whistleblower sa kontrobersiyal na multi-bilyon pisong pork barrel scam kaugnay ng pasya niyang sumabak sa senatorial race sa May 2016 elections.

Ginawa ng anti-corruption lawyer ang pahayag sa isang sorpresang birthday party na inihanda ng kanyang mga tagasuporta, kasabay na rin ng paglulunsad ng Atty. Levi Baligod for Senator Movement sa Tejeros Hall ng Armed Forces of the Philippines Commissioned Officers Club (AFP-COC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Baligod, base sa kanyang pagsasaliksik ay aabot sa P500 bilyon ang halaga ng naibubulsa o nakukulimbat ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno, na may ilang pribadong indibiduwal din ang kasabwat sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Binigyang-diin ni Baligod na ang isa sa pinakamalalang uri ng korupsiyon sa gobyerno ay nag-ugat sa pork barrel fund system, na idineklara nang ilegal ng Korte Suprema.

“Kung masinop lamang natin itong gagamitin, puwedeng-puwede natin na bigyan ng dalawang sakong bigas ang bawat pamilya sa isang buwan sa loob ng isang taon at hindi natin mauubos ang P500 bilyon. Hindi rin natin kayang ubusin ang nasabing pondo kahit gawin nating iskolar ang bawat estudyante mula Grade 1 hanggang 4th year college,” ani Baligod. (Beth Camia)