Nakatuon sa pagkumpleto sa kani-kanilang misyon upang maging Grandmaster sina Haridas Pascua at Paolo Bersamina habang kasaysayan naman bilang pinakaunang Women Grandmaster ng bansa kay Janelle May Frayna sa pagsagupa nito sa kambal na internasyonal na torneo sa Subic Peninsula Hotel, SBMA complex Olongapo City.

Hangad ni Pascua na maabot ang kailangang ELO rating na 2500 upang pormal na makamit ang kanyang titulo bilang isang Grandmaster habang hangad naman ni Bersamina na masungkit ang kailangan nitong dalawang norm upang mapabilang sa listahan ng mga GM sa bansa.

Nakatutok naman sa kasaysayan ang 19-anyos na si Frayna na kinakailangan na lamang ang ikatlo at huling norm upang maging pinakaunang babaeng grandmaster ng bansa.

Gayunman, lubhang matinik ang daan para sa tatlong Pilipinong woodpusher na kinakailangang lampasan ang anim na Russian Grandmaster sa kambal na torneo na nagsimula Lunes ng hapon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Unang paglalabanan ang Philippine International Chess Championship (Open and Challenger Divisions) simula Nobyembre 9 at matatapos sa Nobyembre 14 na agad na susundan ng Philippine Sports Commission-Puregold Chess Challenge (Open and Challenger Divisions) sa Nobyembre 16 hanggang 21.

Ang dalawang torneo ay kapwa isasagawa sa Subic Peninsula Hotel sa loob mismo ng SBMA complex sa Olongapo City kung saan ang mga dayo ay umabot sa 19 na binubuo ng anim na Russian, dalawang Chinese, lima mula sa India, dalawa sa Ukraine at tig-iisa sa Armenia, Vietnam, Denmark at Indonesia.

Ang Russians ay pinamumunuan ng top seed GM Vladimir Belous (Elo 2573) kasama sina Mikhail Mozharov, Smirnov Pavel, Shomoev Anton, Boris Savchenko at Anton Demchenko.

Ang India ay bitbit ni sixth seed IM Sunilduth Lyna Narayanan habang ang China ay aasa kina GM Lu Shanglei at IM Lin Chen. Ang Ukraine ay may aasa kina GM Alexander Zubov at GM Syvuk Vitali.

Ang nakaraang kampeon na si Levan Pantsulaia mula Georgia at pumangalawa dito na si GM Ivan Popov ng Russia ay hindi nakasali sa torneo.

Ang mga dayo ay masasabak naman kontra sa pinakamagagaling na chess player sa bansa sa pangunguna ng bagong tanghal na national champion GM Richard Bitoon, Asia’s first GM Eugene Torre at GM Oliver Barbosa.

Ang women’s side ay pamumunuan ni 2015 national women’s champion WIM Jan Jodilyn Fronda, WIM Janelle Mae Frayna at WIM Cathering Perena-Secopito. (Angie Oredo)