ANG Malaria Awareness Month ay tuwing Nobyembre, alinsunod sa Proclamation No. 1168 na ipinalabas noong Oktubre 10, 2006. Ikapitong pangunahing sanhi ng mga pagkamatay sa bansa, ang malaria ang pinakamalaking hadlang sa mga aktibidad na panlipunan sa mga lugar na apektado nito. Nakaaapekto ito sa mga grupong lantad sa panganib, tulad ng mga buntis, mga edad lima pababa, at mga katutubo.
Ang Pilipinas ay may mataas na posibilidad na maideklarang malaria-free pagsapit ng 2020. Nangunguna sa paglaban sa malaria, iniulat ng Department of Health (DoH) na may 83 porsiyentong pagbaba sa mga kaso ng malaria mula 2005 hanggang 2013 at 92 porsiyento ang nabawas sa mga pagkamatay. Mula sa 46,342 kaso at 150 pagkasawi noong 2005, ang mga dinapuan ng malaria ay bumaba sa 7,720 at 12 ang namatay noong 2013. Sa 53 lalawigan na endemic ang nasabing sakit, 27 na ang naideklarang malaria-free. Nakatupad ang Pilipinas sa 2015 Millennium Development Goal target nito para sa malaria noon pang 2008.
Pinaigting ng DoH ang pag-iwas at pagpigil sa sakit, puntirya ang mahihirap na munisipalidad sa mga lalawigang laganap ang malaria, gayundin ang grupong may mataas na panganib dito, gaya ng mga maralitang nakatira malapit sa mga breeding area, mga magsasaka sa kabundukan, mga nagtatrabaho sa kagubatan, at mga katutubo na may limitadong access sa de-kalidad na gamutan, at mga komunidad na apektado ng mga paglalaban.
Sa bisa ng 2011-2016 Malaria Medium-Term Plan, tinitiyak ng mga gobyerno na ang lahat ay may access sa aktuwal na diagnosis at epektibo at wastong gamutan; ang mga lokal na pamahalaan ay may kakayahan para bumuo, mangasiwa at magpatupad ng mga programa kontra malaria sa kani-kanilang lokalidad; may sapat na pondo kontra malaria; at sisiguruhing de-kalidad ang sistema sa mga operasyon laban sa malaria.
Bagamat ang bansa ay apektado ng malaria, hindi naman ito nakapag-aambag sa kabuuang bilang ng mga namamatay sa sakit sa mundo. Iniulat ng World Health Organization (WHO) na may 198 milyong kaso ng malaria noong 2013, na nagresulta sa 584,000 pagkamatay, karamihan ay mga bata sa Africa. Ang Pilipinas ay katuwang ng Roll Back Malaria ng WHO at ng Asia-Pacific Malaria Elimination Network, na binubuo ng 14 na bansa sa Asia-Pacific na nagtutulung-tulong upang masugpo ang malaria sa rehiyon.
Dulot ng parasitiko na plasmodium, nagagamot ang malaria kung agad na matutukoy at malulunasan. Naisasalin ito sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na infected nito, ang anopheles, na nasa maiinit at basang lugar, gaya ng mga burol at bundok. Maaari rin itong mailipat sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, organ transplant, paghihiraman ng heringgilya na ginamit sa may malaria, at maisalin ng ina sa kanyang sanggol. Mataas ang porsiyento ng pagkakahawa ng malaria kapag tag-ulan. Kabilang sa mga sintomas nito ang pananakit ng kalamnan at ulo, pagkahilo, lagnat, panlalamig, pagkapagod at pagtatae.
Walang bakuna kontra malaria; ang pinakamabisang lunas ay pag-iwas sa sakit. Pinapayuhan ang mga Pilipino na sundin ang apat na paraan upang makaiwas sa sakit: Gumamit ng kulambo sa pagtulog; magsuot ng damit na may mahahabang manggas, pantalon, at iba pang magbibigay ng proteksiyon sa lamok; kumonsulta sa health worker kung nakatira sa lugar na apektado ng malaria; at sumailalim sa rapid diagnostic test kung naghihinalang may malaria.