Ang mga overseas Filipino worker (OFW), na mawawalan ng trabaho matapos maging biktima umano ng “tanim bala” scam sa mga paliparan, ay tutulungan ng gobyerno na muling makahanap ng mapapasukan, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).

Ito ang tiniyak ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz matapos magpahayag ng pangamba si Gloria Ortinez, isang Pinoy household service worker, na papalitan siya ng kanyang employer sa Hong Kong.

Idinetine ng mga awtoridad ng paliparan si Ortinez noong nakaraang buwan matapos makadiskubre ng bala sa kanyang bagahe. Itinanggi niya na pag-aari niya ang bala, at iginiit na “itinanim” ito sa kanyang gamit nang hindi niya nalalaman.

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang posibilidad na may sindikatong sangkot sa kaso ni Ortinez.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Tungkol naman sa problema sa trabaho ni Ortinez, sinabi ni Baldoz na tinutugunan na ito ng binuo niyang DoLE inter-agency task force.

Ang task force ay pinamumunuan ni Undersecretary Ciriaco A. Lagunzad III at binubuo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ng iba pang departamento sa main office ng DoLE.

Isa sa mga responsibilidad nito, ayon kay Baldoz, ay ang tiyakin na ang mga biktima ng “tanim bala” ay makahahanap ng mga bagong trabaho sakaling mawala ang trabahong iniwan sa ibang bansa. (Samuel P. Medenilla)