Inihayag ng isang political analyst na ang negatibong resulta sa DNA test kay Senator Grace Poe-Llamanzares ay walang magiging epekto sa kandidatura nito sa pagkapangulo, dahil ang pagkuwestiyon sa citizenship ng senadora ay itinuturing ng mga Pilipino na isa lang black propaganda ng mga kalaban nito sa pulitika upang madiskuwalipika ito.
Ito ang sinabi ni Professor Ronald Simbulan, ng University of the Philippines (UP), sa mga mamamahayag.
Ayon kay Simbulan, ginagamit lang ng mga kalaban sa pulitika ang isyu tungkol sa citizenship ni Poe, upang humina ang tsansa ng senadora na maihalal na pangulo sa 2016.
“Malinaw namang nababahala ang mga kalaban niya dahil sa mataas niyang ratings sa survey, pero habang kinukuwestiyon nila ang pagiging foundling niya, ang pagiging hindi natural born citizen daw niya, mas nakakakuha naman siya ng simpatya mula sa publiko. Nagiging underdog tuloy siya, dahil mawawalan na ng tsansa ang mga kalaban niya kapag natuloy siya sa pagkandidato,” ani Simbulan.
Nangunguna pa rin si Poe sa presidential race sa lahat ng isinasagawang survey, kahit naihain na ang disqualification case laban sa kanya sa Senate Electoral Tribunal (SET) at sa Commission on Elections (Comelec).
Giit pa ni Simbulan, matagal nang ikinokonsidera si Poe na natural born Filipino citizen mula nang ihalal ito ng halos 20 milyong Pilipino bilang senador noong 2013. Ang nakalap na boto ni Poe ay pinakamalaki na nakuha ng isang senador sa kasaysayan ng bansa. (Chito Chavez)