TACLOBAN CITY – Hinimok ni Mayor Alfred Romualdez, kasama ang mga pinsan niyang sina vice presidential candidate Senator Ferdinand Marcos, Jr. at senatorial candidate Leyte Rep. Martin Romualdez, ang gobyerno na higit na tutukan ang pagtugon sa mga agarang pangangailangan ng mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’, kabilang ang pagkakaloob ng malinis at sapat na supply ng tubig at permanenteng tirahan kaysa isulong ang tinatawag na “The Great Wall” ng Tacloban o ang pinaplanong P48-bilyon seawall.

Kinuwestiyon ni Mayor Romualdez ang 27.3-kilometrong proyekto, sinabing “walang sapat na datos” na magpapatunay na epektibo nitong mapoprotektahan ang mga komunidad sa coastal areas mula sa delubyo o storm surges.

“Hindi ako tutol sa seawall na ito o sa tidal embankment project. Pero, hindi ko rin ineendorso,” ayon sa alkalde matapos planuhin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatayo ng “The Great Wall”, na suportado ng mga opisyal ng Palo, Tolosa at Tanauan.

“Ang pinaka-kinakailangan sa ngayon ay ang ilipat ang mga tao sa mas ligtas na lugar. Pero ang unang problema sa mga relocation site ay tubig,” ani Mayor Romualdez. “Kung ako ang tatanungin mo, alin ang mas importante, tubig o seawall? Siyempre, tubig.”

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Aniya, dapat na kinumbinse ng DPWH ang iba pang ahensiya na suportahan ang proyekto, na wala rin umanong sapat na konsultasyon sa kinauukulan.

“Dapat na kinonsulta ang lahat ng maaapektuhan. Ngayon pa lang, nangangamba na ang mga mangingisda na hindi na sila makakapalaot, kaya kailangan nilang maghanap ng alternatibong pagkakakitaan,” anang alkalde.

Sinegundahan naman nina Congressman Romualdez at Marcos ang pahayag ng alkalde.

“Ang timing at prioridad ang isyu rito. Mas kailangang matugunan sa ngayon ang permanenteng tirahan, sapat na tubig at supply ng kuryente,” anang kongresista.

Pinuna naman ni Marcos na nasa 17,000 bahay lang sa target na 250,000 ang nai-turn over sa mga biktima, dalawang taon makaraang manalasa ang Yolanda sa Eastern Visayas, na ikinasawi ng 6,300 katao, at 918,261 katao ang nawalan ng tirahan. (Charissa M. Luci)