Mananagot sa batas ang mga magulang na tumanggi o mabigong suportahan ang kanilang mga legal na anak.

Ito ang nilalaman ng inihaing House Bill 6079 ni Rep. Rosenda Ann Ocampo (6th District, Manila) na naglalayong parusahan ang pagtangi o kabiguan ng mga magulang na bigyan ng suporta ang kanilang mga legal na anak nang walang makatarungang dahilan. Sinabi ni Ocampo na ang isyu ng child support ay nananatiling isa sa pinakamahirap iresolba sa mga nagkahiwalay na mag-asawa.

Binigyang diin ni Ocampo, vice chair ng House Committees on Basic Education and Culture, on Games and Amusement and on Natural Resources, na lalong nagiging mahirap ang sitwasyon kapag ang isang magulang, na obligadong magbigay ng legal child support, ay tumanggi o nabigong magbigay ng suporta.

Sa kasalukuyang batas, walang parusa sa mga magulang na tumanggi o sinadyang hindi magbigay ng legal child support.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Dahil dito, ayon kay Ocampo, mas madali para sa mga obligadong magulang na pabayaan ang suportang dapat ibigay sa anak, kahit na mayroon naman silang kakayahan.

Upang matugunan ang sitwasyong ito, ipinanunukala ni Ocampo ang mga parusang multa at pagkakakulong laban sa obligadong magulang na napatunayang nagkasala sa pagtanggi o pagkabigong magkaloob ng legal child support nang walang makatarungang dahilan.

Sa ilalim ng panukala, ang legal child support ay tumutukoy halagang napagpasyahan sa court order o sa ilalim ng isang parenting agreement na inaprubahan ng korte, o inisyu sa ilalim ng isang protection order alinsunod sa Republic Act No. 9262, o mas kilalang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004,” na obligadong ibigay ng magulang bilang suporta sa magulang na may legal custody o parental authority sa bata.

Idinedeklara ng batas na ilegal para sa sino man na tumanggi o mabigong magbigay ng legal child support nang walang justifiable cause ng mahigit P30,000 o sa loob ng mahigit anim na buwan.

Gayundin, magiging ilegal para sa sinuman na magbayad ng mas mababa sa napagpasyagang halaga ng korte bilang legal child support ng mahigit P30,000 o sa loob ng mahigit isang taon.

Para sa unang pakakasala, ipapataw ang multang P25,000 o hindi bababa sa anim na buwang pagkakakulong ngunit hindi hihigit sa isang taon o pareho at ng lump sum settlement ng kabuuang hindi binayarang legal child support.

Sa mga susunod na pagkakasala, ipinapataw ng batas ang multang P50,000 o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi lalagpas sa dalawang taon o pareho at ang lump sum settlement ng kabuuang hindi binayarang legal support. (PNA)