Pinaniniwalaang hindi magawang matanggap ng isang 67-anyos na babae ang pagkamatay ng kanyang anak, kaya sa ikaapat na pagtatangka sa sariling buhay ay sinilaban niya ang sarili sa Peñablanca, Cagayan, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon sa Peñablanca Municipal Police, nagtamo ng second degree burn si Martina Furigay, may asawa, ng Sitio Dana, Barangay Manga, Peñablanca.

Nang mga oras na iyon ay nag-iisa lang sa kanyang bahay ang biktima, na pinaniniwalaang kinuha ang anim na litro ng gasolina para ibuhos sa kanyang katawan, bago lumabas ng bahay para sindihan ang sarili.

Ayon sa police report, isang kapitbahay ni Furigay ang nakakita habang gumagapang palabas ng bahay ang nagliliyab na matanda.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Naniniwala si Domingo Furigay, asawa ng biktima, na ginamit nito ang anim na litro ng gasolina sa kanilang bahay para silaban ang sarili.

Ayon kay Domingo, hindi nakayanan ng kanyang misis ang matinding depression makaraang mamatay ang kanilang anak.

Pagkamatay ng kanilang anak, aniya, ay unang pinagtangkaan ni Martina ang sariling buhay sa paggilit sa sariling leeg.

Sa ikalawang pagtatangka ay uminom umano ng disinfectant si Martina, bago nagbuhos ng mainit na tubig sa sarili.

(FER TABOY)