AYON sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 3.6 milyong Pilipino ang pinakamahirap sa ating bansa. Ito iyong mga nagugutom at walang makain. Kung paano sila nabubuhay, pinagpapala na lang sila ng ating Panginoong Diyos tulad ng Kanyang ginagawa sa mga sparrow at lily. Ang problemang ito ay inabutan ni Pangulong Noynoy. Isa sa mga pangako niyang gagawin kapag siya ay nahalal ay tutuldukan ang kahirapan pero ipamamana lang pala niya ito sa mga susunod sa kanyang mamumuno ng bansa. Bakit nabigo si Pangulong Noynoy na malapatan ng lunas ang kahirapan ng mamamayan? Kasi, tulad ng gobyernong nauna sa kanya, tamad ang kanyang gobyernong magtrabaho. May limpak-limpak na salapi ang kita sa ganitong uri ng pamamalakad.

Tumagos sa kanyang pamamahala ang Oil Deregulation Law (ODL). Nilikha ang batas na ito para mapababa ang presyo ng petrolyo. Kapag daw kasi inalis ng gobyerno ang kontrol sa pagbebenta nito, maraming papasok na mamumuhunan sa ating bansa. Magkakaroon ng kompetisyon at sa hangarin ng bawat isa na makapagbenta, ibabagsak nila ang presyo ng kani-kanilang produkto. Mula nang ipasa ang batas na ito, hindi naman bumaba ng presyo ng petrolyo. Kabaligtaran nga ang nangyari. Lalong tumaas ang presyo nito at ang nangyari na nga ay nagsunuran na ring tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Ang deklarasyon ni Pangulong Noynoy nang siya ay nakaupo na, wala siyang nakikitang masama sa ODL at hinayaan na nga niyang maging bahagi na rin ito ng kanyang administrasyon.

Ipinagpatuloy niya ang nadatnan niyang mga polisiya ng mga nauna sa kanya. Ibinenta na rin niya ang mga pag-aari ng gobyerno na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo. Ang tubig, kuryente, at transportasyon ay isinalin niya sa pribadong kamay. Kikita raw ang gobyerno sa ganitong paraan upang may panggastos ito sa mga pangangailangan ng mamamayan. Ang problema, inilagay ang pamumuhay ng mamamayan sa kamay ng mga negosyante na wala namang pakialam kung ano ang mangyayari sa mga ito. Ang pangunahin nilang layunin ay kumita, bahala na ang taumbayan kung kaya ng mga ito ang presyong ipinapataw sa kanilang produkto at serbisyo. Bakit hindi sasabog ang kahirapan sa ating bansa, eh, ang ekonomiya naman natin ay hindi nagbibigay ng maramihang trabaho? Walang bansang umunlad at matagumpay na nagapi ang kahirapan na nasa pribadong kamay ang enerhiya at mga pangunahing pangangailangan at serbisyo. (RIC VALMONTE)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika