MAY mga pagkakataon na may inihahaing maliit na panukala, gaya ng Social Security System (SSS) retirees pension bill, na hindi kasing bigatin ng iba pang panukala, tulad ng National Budget o ng Bangsamoro Basic Law (BBL), ngunit malapit na itong aprubahan.
Inaprubahan ng Senado nitong Miyerkules, sa ikalawang pagbasa, ang Senate Bill 2888 na nagdadagdag ng P2,000 sa pensiyon ng mga retirado ng SSS. Una nang inaprubahan ng Kamara ang bersiyon nito ng nasabing panukala, kaya malaki ang pag-asa na malapit na itong maisabatas, at maraming retiradong manggagawa, na karamihan ay umaasa na lang ngayon sa kanilang pensiyon sa SSS, partikular sa pambili ng gamot, ang tatanggap ng karagdagang pensiyon. Ang huling pagtataas sa pensiyon ay ipinatupad halos 20 taon na ang nakalipas, nang itaas ito nang 10 porsiyento.
Ilang malalaking panukala ang nagpapatuloy sa kawalang katiyakan sa dalawang kapulungan ng Kongreso. Ang BBL, sa kabila ng matinding pagpupursige ng administrasyon, ay bahagya nang umusad sa Kamara, dahil umano sa problema sa quorum. Sa Senado, posible naman itong mapalitan ng sadyang naiibang bersiyon.
Ang ilan pang panukala na prioridad sa Kongreso ay ang Customs and Tariff Modernization bill, isang panukala sa Department of Information and CommunicationTechnology, at ang pag-amyenda sa Build-Operate-Transfer Law. Halos walang pag-asa na maaaprubahan ang Freedom of Information at Anti-Dynasty bills.
Sa Senado, may bagong pagsisikap na pagtibayin ang isang panukala na magpapababa sa tax rates, alinsunod sa inflation sa bansa, matapos na ang orihinal na panukala sa pagpapababa ng buwis ay tanggihan ng Malacañang dahil mangangahulugan ito na nasa P30 bilyon kita ng gobyerno ang mawawala.
Taliwas sa katakut-takot na balakid na kinahaharap ng mga bigating panukalang ito, malapit nang aprubahan ang SSS pension bill, salamat sa mga pagsisikap ng mga pursigidong mambabatas na gaya nina Senators Cynthia Villar at Teofisto Guingona III, na naggiya nito sa Senado.
Isa itong maliit na panukala na hindi maikukumpara sa nabanggit na naglalakihang panukalang batas, gaya ng BBL at National Budget at reporma sa buwis. Ngunit napakalaking pakinabang nito para sa may dalawang milyong SSS retirees upang matulungan sila sa kanilang mga pangangailangan sa dapit-hapon ng kanilang buhay. Ito ay isang panukala na nakatutupad sa agarang pangangailangan ng maliliit at pangkaraniwang mamamayan. Isa itong panukala na nagpapamalas na may malasakit ang gobyerno sa kanilang kapakanan. Kailangan natin ang mga panukalang gaya nito.