Kinastigo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kawalan ng kooperasyon ng ilang opisyal ng barangay sa clearing operation ng ahensiya laban sa mga traffic obstruction sa mga alternatibong ruta na tinaguriang “Mabuhay Lane.”
Sinabi ni Nestor Mendoza, pinuno ng MMDA Task Force Mabuhay Lane, na binato ng ilang residente sa Moriones, Tondo ang mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at MMDA na nag-aalis ng mga sagabal sa kalsada.
“Inabisuhan namin sila (PNP-HPG at MMDA personnel) na ipatupad ang maximum tolerance laban sa mga taong kontra sa ating kampanya,” pahayag ni Mendoza sa radyo DZBB.
Habang may ilang opisyal ng barangay na tumutulong sa clearing operation, marami naman ang dedma sa kampanya, ayon kay Mendoza.
“Maaaring maiwasan ang init ng ulo ng mga residente…subalit dapat tumulong dito ang mga barangay official,” aniya.
Mayroon ding mga opisyal na barangay na nangunguna sa paglabag sa memorandum circular na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG), na nag-aatas sa PNP at MMDA na magsagawa ng clearing operations sa mga lansangan na bahagi ng “Mabuhay Lane.”
Bukod sa paghatak ng mga sasakyan na ilegal na nakaparada, sinabi ni Mendoza na nagbaklas din sila ng mga istruktura at lona ng mga barangay hall. (Anna Liza Villas-Alavaren)