Inihain kahapon sa tanggapan ng Law Department ng Commission on Elections (Comelec) ang ikalimang disqualification case laban sa presidential aspirant na si Senator Grace Poe-Llamanzares.

Sa inihaing kaso laban kay Poe, hiniling ni Dean Amado Valdez, ng College of Law ng University of the East, sa Comelec na makansela ang Certificate of Candidacy (CoC) sa pagkapangulo na inihain ni Poe at madiskuwalipika ito sa paghahain ng CoC sa anumang posisyon sa gobyerno, na may requirement sa pagiging natural born citizen.

Ayon kay Valdez, hindi kuwalipikadong tumakbo sa pagkapangulo si Poe dahil kuwestiyonable ang pagiging natural born citizen nito at hindi rin, aniya, ito nakasunod sa residency requirement na itinatakda ng batas.

Paliwanag ni Valdez, naiwala na ni Poe ang natural born status nito noong 2001 matapos nitong i-renounce ang Filipino citizenship upang maging American citizen, at hindi na ito maaaring mabawi pa ng senadora.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Ang epekto ng kanyang renunciation of Filipino citizenship, ang sinasabi natin dito, even if she had reacquired her Filipino citizenship at ni-renounce niya ‘yung kanyang American citizenship, ang nare-acquire niya ‘yung kanyang status as Filipino citizen but not natural-born,” dagdag pa ni Valdez.

Nagkaroon rin, aniya, si Poe ng misrepresentation nang sabihin sa CoC nito na 10 taon na itong naninirahan sa Pilipinas pagsapit ng halalan sa susunod na taon.

Kung susuriin kasing mabuti, ayon kay Valdez, ang inihaing impormasyon ni Poe ay lilitaw na siyam na taon at anim na buwan pa lang itong naninirahan sa Pilipinas pagsapit ng halalan sa Mayo 9, 2016.

Giit pa ni Valdez, ang isang natural born citizen ay hindi na kailangan pang gumawa ng hakbang para patunayan ang kanyang pagiging natural born citizen.

“Ang ginawa po niya para ma-reacquire ang kanyang Filipino citizenship. She filed a petition to reacquire her Filipino citizenship,” ani Valdez.

“Once you lose natural born status, you lose it forever, you can’t reacquire it,” aniya pa. “Wala siyang natural-born status as a citizen. She was only a repatriated Filipino citizen under Republic Act 9225.”

Una nang kinasuhan ng disqualification si Poe ni Antonio Contreras, De La Salle University political science professor, gayundin nina dating Department of Justice Prosecutor Estrella Elamparo, dating Senator Francisco Tatad, at ng presidential aspirant at talunang kandidato sa pagkasenador noong 2013 na si Rizalito David.

(MARY ANN SANTIAGO)