KAHIT na ano ang ikatwiran ng sinuman, mahirap paniwalaan na ganap nang nalipol ang problema sa pagkagutom. Hindi lamang mga survey kundi mismong mga obserbasyon ang nagpapatunay na milyun-milyon pa rin ang kumakalam ang sikmura dahil sa matinding gutom; naglipana sa ilang lansangan ang mga palaboy at doon na nananatili hanggang gumabi.

Ang masaklap na katotohanang ito ang pilit namang ikinukubli ng administrasyon, lalo na ngayong napipinto ang APEC Summit (Asia Pacific Economic Cooperation Summit). Isang alagad ng Simbahan ang tandisang nagpahayag na ang mga palaboy ay pagkakalooban ng P4,000 bawat isa upang may pang-upa sa kanilang titirhan. Nangangahulugan na sila ay pansamantalang itatago upang hindi sila madungawan ng mga delegado ng makasaysayang pagpupulong na dadaluhan ng matataas na lider ng iba’t ibang bansa sa daigdig.

Ang estratehiyang ito—tulad ng nakatutulig nang pahiwatig ng iba’t ibang sektor ng sambayanan—ay kahawig ng ginawa ng administrasyon nang dumalaw sa bansa si Pope Francis. Ang maralitang mga pamilya ay itinago sa isang marangyang resort sa Batangas. Hindi maliit na halaga ang inilaan ng gobyerno upang maikubli lamang sa paningin ng Pope ang tunay na situwasyon ng kahirapan sa bansa.

Hindi na bago sa atin ang ganitong mga estratehiya. Nang nakalipas na mga administrasyon, kinasasangkapan na rin ang mga band-aid remedy sa malubhang problema sa karalitaan. Ang barung-barong ng mga iskuwater, halimbawa, ay pinipinturahan ng iba’t ibang kulay upang maikubli ang tunay na situwasyon sa pagkagutom.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Subalit hindi bulag ang pang-unawa ng ating mga dayuhang lider upang hindi nila maintindihan ang kalagayan ng alinmang lipunan na maaaring masasaksihan din sa kani-kanilang mga bansa. Makabubuting ilantad ito sa kanila sa pag-asang sila ay makatulong sa paglutas ng naturang problema na gumigiyagis sa atin. Hindi kailanman maitatago ang katotohanan, lalo na ang isyu sa karalitaan. (CELO LAGMAY)