Sa pamumuno ng kanilang beteranong playmaker na si Gelo Alolino, nabuhay ang tsansa ng defending champion National University (NU) na makapasok ng Final Four round.

Ipinakita ni Alolino ang kanyang pinakamagandang offensive performance sa pamumuno sa Bulldogs sa ginawa nitong paggapi sa season host University of the Philippines (UP) noong nakaraang Linggo upang palakasin ang kanilang pag-asang makapasok sa top four sa ginaganap na UAAP Season 78 men’s basketball tournament.

Nagtala ang 6-foot na si Alolino ng 26-puntos, 12 dito ay isinalansan niya sa payoff period para mapigil ang Fighting Maroons, 75-69 sa labang ginanap sa Araneta Coliseum.

Bukod dito, nagtala din si Alolino ng 10 rebounds at tatlong assists.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kasunod ito ng kanyang naiposteng all-around performance na kinapapalooban ng 7-puntos, 9 na rebounds at 7 assists sa kanilang itinalang 81-73 panalo kontra De La Salle noong Oktubre 28.

Bunga nito, umangat ang NU sa barahang 6-7, panalo-talo, na nagluklok sa kanila sa ika-apat na puwesto matapos muling matalo ang Green Archers sa kamay naman ng archrival nitong Ateneo de Manila, 62-73, noong nakaraang Linggo na nagbaba dito sa barahang 5-7, panalo-talo.

“There is no special game plan, talagang sinikap lang namin na mai-execute ng maayos ang aming defense. Kasi dahil dun, maganda rin ang kinalabasan ng aming offense,” pahayag ni Alolino na siyang nahirang para maging ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week honors.

“Dahil nakaka-stop kami, nakakagawa rin kami ng easy basket sa transition. Credit to my teammates dahil nakikita lagi nila akong open,” dagdag nito.

“Lahat kami gutsong manalo at ‘yun ang mindset naming lahat. Binigyan ako ng responsibilidad ni Coach Eric (Altamirano) kaya kailangan kong mag-deliver para sa team,” ayon pa kay Alolino. “Kung meron namang ibang player na puwedeng umiskor, binibigyan din sila ng chance.”

Dahil dito, hindi nakaligtas sa mata ng kanyang coach ang kanyang mga paghihirap.

“Imagine he is our point guard and yet he is the one scoring for us. I know it is a big responsibility but he’s living up to it,” pahayag ni Altamirano patungkol sa kanyang fifth-year veteran.

Inungusan ni Alolino para sa nasabing parangal sina Cameroonian Pape Sarr ng Adamson University, Clark Derige ng University of the East, Karim Abdul ng University of Santo Tomas, at sina Adrian Wong at Von Pessumal ng Ateneo.

(Marivic Awitan)