Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi na kailangang bumisita ng mga empleyado sa gobyerno at pribadong sector sa kanyang field office para mag-apply at kumuha ng Taxpayer Identification Number (TIN), kundi trabaho na ito ng kanilang mga employer.
Naglabas ng paalala ang BIR sa harap ng libu-libong empleyado na patuloy na dumadagsa araw-araw sa mga revenue district office (RDO) para magtanong at asikasuhin ang kanilang TIN.
Kamakailan ay naglabas si BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares ng Revenue Memorandum Order No. 20-2015 na nililinaw ang procedure sa registration ng mga empleyado at naglatag ng mga polisiya sa pagbibigay ng TIN gamit ang electronic registration (eReg) system.
Nakasaad sa memorandum na ang mga empleaydo ay irerehistro sa RDO kung saan nakarehistro ang employer o sa local RDO ng business address kung nasaan ang malaking taxpayer. (Jun Ramirez)