Sisimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-deactivate sa registration records ng mga botanteng walang biometrics data sa Nobyembre 16.
Magsasagawa ang Election Registration Board (ERB) ng serye ng mga pagdinig upang dinggin ang anumang pagtutol sa aksyong ito ng Comelec.
Ipapaskil rin ng Comelec sa kanilang mga lokal na opisina ang listahan ng mga pangalang nabigong makapagpa-biometrics at maaalis sa voters list.
Alinsunod sa Mandatory Biometrics Registration Act of 2013, ang sinumang botante na mabibigong makapagbigay ng biometrics bago ang halalan sa Mayo 2016 ay maaalis ang pangalan sa listahan ng mga lehitimong botante at hindi papayagang makaboto.
Paulit-ulit na nagbabala ang Comelec sa mga botante na hindi sila makababoto sa halalang 2016 kapag wala silang biometrics.
Naglaan ng 18-buwang registration period – mula Mayo 6, 2014 hanggang Oktubre 31, 2015 – ang Comelec para bigyan ng sapat na panahon ang mga botante na magparehistro at magpa- biometrics.
Sa kabila nito, batay sa data ng Comelec, mayroong tatlong milyong botante ang hindi nakapagbigay ng biometrics, na padadalhan ang notice of deactivation. (MARY ANN SANTIAGO)