NANINIWALA ang marami nating kababayan na ang kaayusan at katahimikan sa mga bayan, lungsod at lalawigan sa iniibig nating Pilipinas ay nakasalalay sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP). Kapag madalas na nangyayari ang mga krimen, ang bagsak ng sisi ay nasa mga pulis. Sasabihin at itatanong agad ng ating mga kababayan: nasaan ang mga pulis? Pabaya sa tungkulin. Tutulog-tulog. Hindi natutupad ang sinasabing police visibility. Tinatawag din na mga pulis-patola at kotong cops. Dahil sa pangingikil, ang PNP ay sinasabing nangangahulugan nang “Pahingi ng Pera”.

May mga pulis din na naglalasing at kapag pinasok na ang utak ng ispiritu ng alak at napunta sa talampakan ang katinuan, kukunin ang baril, sisigaw, maghahamon ng barilan o away. Kapag walang kumasa, walang habas na magpapaputok, na ang bunga ay pagkatakot ng mga nakakita sa nagwawalang pulis. Kung minsan, may naliligawan ng bala, na nagiging sanhi pa ng kamatayan. Kapag inireklamo na ang tinopak na pulis at namahay sa kulungan, sising-alipin, lalo na kapag nahaharap na sa summary dismissal. Sa Pangasinan, may pulis naman na namaril ng mga guro nang hindi makasingil ng pautang sa mga ito.

Hindi rin maiwasan na may mga pulis na nasasangkot sa sindikato, tulad ng droga, kidnap for ransom, bank robbery at iba pang katarantaduhan na nakasisira sa imahen ng PNP. May sumasabit rin sa hulidap. Mababanggit na halimbawa ang hulidap sa EDSA, Mandaluyong City noong Setyembre 1, 2014, na ang sangkot ay siyam na pulis sa QCPD-La Loma.

Magkakaklase sila sa PNPA (Philippine National Police Academy). Ang biktima ay dalawang empleyado ng isang kontrarista sa Lanao del Sur, na nakuhanan ng P2 milyon na pambili ng transit mixer. Kinuha pa ang mga ATM card ng dalawang biktima at nag-withdraw ng pera. Ang hulidap ay nakunan ng video ng isang concerned citizen.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi lang mga pulis na mababa ang ranggo ang sumasabit sa mga katiwalian na ikinasisira ng imahe ng PNP, may matataas na opisyal din na nasangkot sa anomalya. Lantay na halimbawa ang natanggal sa tungkulin na si dating PNP chief Director Gen. Alan Purisima. Sinuspinde siya nang anim na buwan ng Ombudsman at ang anim na iba pang opisyal ng PNP, sa pagkakasangkot sa anomalya sa mga baril na ang iba ay naibenta sa NPA. Matapos ang anim na buwang suspensiyon, tuluyan nang sinibak ng Ombudsman si General Purisima. Nasabi ng marami nating kababayan na tama ang ginawa ng Ombudsman, sapagkat nakahihiya at hindi raw kapuri-puri ang ginawa ni General Purisima na nakasira sa imahe ng PNP. Nabunyag pa ang kanyang pakikialam, kahit pa suspendido, sa Oplan Exodus sa Mamapasano, Maguindanao, na 44 na taga-SAF ang napatay.

Sa kabila ng mga ito, nakararami pa rin ang mararangal at matitinong pulis. Maaasahan at may dignidad, tapat sa tungkulin, laging isinasapuso at isip ang motto ng PNP na ‘To Serve and Protect’.

Ang mag-pulis ay hindi biro, sapagkat sa pagtupad sa tungkulin ay nagbubuwis pa ng buhay ang ilan. Kapag may krimen, hindi tumitigil sa pagdakip sa mga kriminal upang mabigyang katarungan ang mga biktima ng karahasan.

(CLEMEN BAUTISTA)