Walang mangyayaring balasahan sa hanay ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-ASG) sa kabila ng tumitinding kontrobersiya sa “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa.

Sa halip na sibakin o ilipat ng puwesto, sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na inatasan ang mga tauhan ng PNP-ASG na makipagtulungan sa pagpapatupad ng mga reporma ng gobyerno upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan ng kanilang grupo at ng mga pasahero, lalo na sa isyu ng “tanim bala.”

Tinukoy ni Mayor ang isang inter-agency group sa NAIA na binubuo ng mg kinatawan ng PNP, Department of Justice (DoJ), Department of Transportation and Communication (DoTC), at iba pang ahensiya ng gobyerno na nakikipag-ugnayan sa mga overseas Filipino worker (OFW) at banyagang turista.

“The instruction to our Aviation Security Group is to fully cooperate in whatever policies or protocols that would be implemented both to protect passengers and expedite the legal process for those who would really yield bullets,” pahayag ni Mayor sa panayam.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Iginiit ni Mayor na tiwala ang liderato ng PNP na matutuldukan na ang kontrobersiya sa tanim-bala sa mga repormang ipatutupad ng inter-agency group sa NAIA at sa iba pang paliparan.

Bukod sa umano’y mga tauhan ng Office of the Transportation Security (OTS), ilang personalidad din na nakatalaga sa mga paliparan ang iniimbestigahan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa posibleng pagkakasangkot sa naturang extortion scheme. (Aaron Recuenco)