ANG pondo para sa mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’ ay ginagamit na ng administrasyong Aquino para sa halalan, ayon kay Sen. Bongbong Marcos. “Tinanong ko,” aniya, “ang Department of Social Welfare and Development kung saan nito ginastos ang bilyong pisong donasyon para sa mga biktima, pero hindi ako sinagot.” Hanggang ngayon, wika niya, ay wala pang tirahang naibibigay ang gobyerno sa mga biktimang nawalan ng bahay. Taong 2015 na ngayon, sagot naman ni presidential spokesperson Edwin Lacierda. Hindi na si Marcos ang pangulo at hindi na ruling coalition ang Kilusang Bagong Lipunan (KBL).

Tama si Sen. Bongbong. Kung pabahay para sa mga biktima ng Yolanda ang pag-uusapan, hanggang ngayon ay marami pa ring walang tirahan. Pagkatapos ng dalawang taon, naghihintay pa rin sila ipinangakong tulong ng gobyerno. Kaya ang iba ay nagsibalikan na sa dati nilang lugar. Pinagtagpi-tagpi nila ang mga napulot na mga kahoy at yero para may masilungan. Hindi na nila inalintana na baka maranasan nilang muli ang kahirapan at buwis-buhay nang ragasain sila ng bagyong Yolanda. Ilang araw bago ang ikalawang taon nang manalanta ang bagyong Yolanda, sama-sama silang lumabas sa kalye at nagmartsa. Nagbabaga sa galit ang kanilang puso. Binatikos nila ang gobyerno dahil sa makupad nitong pagbigay ng tulong.

Kahit 2015 na ngayon at ang Pangulo ay si Noynoy, ito ang realidad. Kung ano ang gobyerno noon ay ganito pa rin ang gobyerno ngayon. Hindi mapakinabangan ng mamamayan lalo na sa panahon ng kanilang kagipitan at pangangailangan. Ang hindi nga lang katanggap-tanggap sa kasalukuyang nakaupo sa Palasyo ay ang bumabatikos ay minsan ding nagkaroon ng pagkakataon nasa lugar niya ito. Ang sinasabing pagkakasala niya ay pagkakasala rin nito. Nang ang pamilya ni Sen. Bongbong ay binigyan ng kapangyarihan ng taumbayan pamunuan sila at pamahalaan ang kanilang gobyerno, higit pa sa nararanasan ng mga biktima ng Yolanda ang naranasan nila. Inagaw sa kanila ang kanilang gobyerno at inangkin ang kanilang kapangyarihan. Super Yolanda rin ang dumalaw sa mamamayan sa panahong ito. Ang pagkakaiba nga lang ay hindi iilan ang lugar at tao ang biniktima nito kundi ang buong bansa at ang kanyang mamamayan. Kaya, sa tuwing babatikusin ni Sen. Bongbong ang gobyerno dahil sa kalabisan nito o kakulangan ay parang dumudura siya paitaas at ang inilulura niya ay tumatama sa kanyang mukha. Hayaan na lang ni Bongbong sa iba ang ginagawa niyang pagbatikos upang hindi maibalik sa kanya ito. Kasi iyong ibinibintang niyang kasalanan ng taong gobyerno ngayon ay kasalanan ng kanyang ama. Masahol pa nga. Sa mga nakaranas noon na ng kalabisan ng kanyang ama, nanariwa lamang ang sugat na tinamo nila. (RIC VALMONTE)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika