Sinisiyasat ng Pasay City Police kung may foul play sa pagkamatay ng isang walong-buwang sanggol na babae na nahulog sa kama habang dumedede, na naging dahilan ng pagkamatay nito, noong Sabado ng umaga.

Idineklarang dead on arrival ni Dr. Laurence Domingo, attending physician ng Saint Claire Hospital, si Princess Ryzza Oleyres, na nagtamo ng bukol sa kanang bahagi ng ulo.

Sa pagsisiyasat ni SPO4 Allan Valdez, ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police, dakong 9:00 ng umaga nitong Sabado nang makita ng yaya na si Leonor, 27, na namumutla ang sanggol sa loob ng kanilang bahay sa No. 2-B 409 Kalayaan Condo I, Merville Access Road.

Agad ipinaalam ng yaya sa tumatayong ina at umampon sa sanggol na si Marissa Castronero Braza, 53, ang pamumutla ng alaga kaya agad nila itong isinugod sa nasabing pagamutan, subalit hindi na umabot nang buhay si Princess.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Sa pahayag sa pulisya ni Braza, umaga ng Nobyembre 3 nang sinabi sa kanya ni Leonor na saglit nitong iniwan ang sanggol na nakahiga sa kama habang dumedede ngunit makalipas ang ilang minuto ay narinig ang kalabog na sinundan ng malakas na palahaw ng iyak ni Princess.

Agad na sumaklolo si Leonor at nakita ang sanggol na umiiyak sa sahig at nakapaan ng maliit na bukol sa ulo, na inakalang simpleng bukol lang kaya hindi na pinansin ni Braza. (Bella Gamotea)