Nagdeklara ang Philippine Coast Guard (PCG) ng “no sail zone” sa Manila Bay na malapit sa pagdarausan ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit sa susunod na linggo.

Sinabi ni Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard, na ipatutupad ang “no sail zone” sa lugar malapit sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Pasay City, na roon gaganapin ang pagpupulong ng mga head of state.

Si Commodore Joel Garcia, commander ng PCG-National Capital Region (NCR), ang itinalagang pinuno ng Maritime Security Task Force sa Manila Bay para sa APEC Summit.

“Nakausap ko na si Commodore Garcia at sinabi niya na nakakasa na ang seguridad sa lugar. Nagre-report na siya kay Pangulong Aquino at sa iba pang ahensiya kaugnay dito,” pahayag ni Balilo sa panayam sa radyo.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Tumanggi naman si Balilo na idetalye kung ilan sa mga barko ng PCG, Philippine Navy at Philippine National Police (PNP) Maritime Group ang itatalaga sa Manila Bay upang magbigay ng seguridad sa mga delegado.

Kapag ipinatupad na ang “no sail zone”, sinabi ni Balilo na magsasagawa rin sila ng profiling ng mga pasahero na sasakay sa mga barko mula sa iba’t ibang lalawigan na magtutungo sa Maynila.

Ang Pilipinas ang tatayong punong-abala sa 21 bansa na makikibahagi sa APEC Summit sa Nobyembre 18-19 na idineklarang special non-working day. (Raymund F. Antonio)