Muling pinaalalahanan ng Embahada ng Pilipinas sa Lisbon ang publiko na mag-ingat sa pakikipag-transaksiyon online sa gumagamit ng bogus na mga kumpanya at indibiduwal para makapag-alok ng trabaho at nag-iisyu umano ng entry/working visa para sa mga kumpanyang nasa Portugal.
Ayon sa Embahada, ilang Pilipino na ang nabiktima at nakatanggap ng email mula sa umano’y mga law firm sa Portugal na nag-aalok ng trabaho at nangangakong ipoproseso ang entry/visa permits para sa employment sa mga kumpanyang Portuguese kapalit ng pagbabayad ng malaking pera, sa pamamagitan ng money transfer.
Sa ilang kaso, ang mga manloloko ay nagpapakilalang kinatawan ng mga respetadong kumpanya sa Portugal gamit ang mga impormasyon sa website nito, ngunit pinapalitan ang kanilang contact information. Ang scammers ay gumagawa ng pekeng website ng mga law firm para makumbinse ang biktima na ipoproseso ang mga dokumento para sa iniaalok na trabaho.
Inoobliga ng scammer na singilin ang biktima na magbayad para sa Entry Clearance Certificates, International Overseas Employment Certificates (IOEC) at Affidavits of Guarantee Fund, na hindi naman kailangan ng Portuguese authorities.
Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa Philippine Embassy sa Lisbon, Portugal sa [email protected], sakaling may matanggap na kaparehong alok na trabaho online, upang maberipika ang job order nito. (Bella Gamotea)