Pagdedesisyunan ng siyam na miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa susunod na linggo kung pahihintulutan si Senator Grace Poe-Llamanzares na kumandidato sa pagkapangulo sa 2016.

Nangunguna sa presidential surveys sa nakalipas na mga buwan, nahaharap si Poe sa kasong diskuwalipikasyon na inihain ni Rizalito David kaugnay ng pagkakahalal ni Poe bilang senador noong 2013.

Sa pulong ng SET nitong Biyernes sa isang hotel sa Maynila, sinabi ni Atty. Irene Guevarra, tribunal secretary, na itinakda ng siyam na miyembro ng body sa Nobyembre 17 ang pagresolba sa mga election case laban sa senadora, kaugnay ng petisyon ni David.

Ang pulong ay itinakda sa nabanggit na petsa—na isang non-working holiday dahil sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa bansa—upang makatupad sa palugit ng Commission on Elections (Comelec) sa pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa halalan sa Mayo 9, 2016.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ang SET ay binubuo nina Senators Loren Legarda, Pia Cayetano, Bam Aquino, Cynthia Villar, Nancy Binay at Vicente “Tito” Sotto III; at tatlong mahistrado ng Korte Suprema, sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion.

May inihain ding mga kaso ng diskuwalipikasyon, sa kaparehong usapin kaugnay ng citizenship at residency ni Poe, sa Commission on Elections noong nakaraang buwan, hinihiling na madiskuwalipika siya sa pagkandidatong presidente.

(Leonard D. Postrado)