MASAYANG ikinuwento ni John Prats pagkatapos ng open forum sa presscon ng Banana Sundae noong Huwebes na limang buwan na lang ang hihintayin nila ng asawang Isabel Oli at makikita na nila ang kanilang unang supling.
Excited si John sa pag-iisip kung sino ang magiging kamukha at wala namang problema kung lalaki man o babae basta’t healthy.
Sa susunod na buwan pa lang daw malalaman kung lalaki o babae ang panganay nila at ayaw nilang isorpresa ang sarili nila.
“Para sa mga magreregalo, para alam na rin namin kung ano ang sasabihin para hindi masayang din,” katwiran ni John.
Pero ang gusto ng tatay niya ay lalaki para raw may magdala ng apelyidong Prats, kasi maski raw lalaki ang panganay ng kapatid niyang si Camille ay iba naman ang apelyido nito.
Samantala, problema nina John at Isabel ang pangalan ng anak nila. “Kasi gusto ko siya lang ‘yung may name na ganu’n, hindi common at isa lang talaga, like ako, John, ang daming John sa mundo, so nag-iisip kami ng kakaiba, like Beyonce, iisa lang, di ba? So kapag babae, Beyonce na siguro,” nakakatuwang pangangatwiran ng aktor.
Inamin ni John na ibang-iba na ngayon ang pananaw niya sa buhay dahil dati’y wala siyang ibang iniisip kundi sarili lang at trabaho niya.
“Ang saya ng feeling, grabe, darating pala ako sa buhay ko na nandito na ako, kasi for the longest time, ang dami kong pinagdaanan, parang struggle ko siya, kasi lagi akong nadya-judge na iba na naman girlfriend ko, darating pala talaga sa point ng buhay ko na magse-settle ako.
Ang sarap ng feeling ng ganu’n, na wala na akong ibang iniisip kundi ang pamilya ko na,” kuwento ng isa sa orihinal na cast ng Banana Split at tuluy-tuloy pa ring mainstay after seven years.
Bumukod na sila ng tirahan ni Isabel. “Malapit lang din sa parents, pero magkahiwalay ng bahay, so we have our little home na at malaki ang nabago, kasi dati nu’ng ako lang ang mag-isa sa bahay, maski anong gawin ko okay lang, iwan ko lang ‘yung shorts ko diyan, ok lang, ngayon may, ‘oy!’”
“Kasi siya (Isabel), very organized, like sa banyo, ‘yung towel dapat maayos hindi ‘yung dapat nakasampay lang, dapat pantay-pantay ang pagkakatiklop. So isa ‘yun sa mga adjustment ko, kasi hindi ko na solo, may kasama na ako.”
Kaya kung dati ay maingay siyang manood ng TV o DVD bago matulog, ngayon ay siya na lang ang nakaririnig dahil, “Ayaw niya ng maingay, kaya ako gumagamit na lang ako ng headphone o earphone para ako lang ang nakakarinig,” sabi ng aktor.
Patapos na sa paglilihi si Isabel na ang paboritong kainin ay, “Yakima udon, rice toppings, Japanese food na may beef, iyon ang comfort food niya.”
Samantala, tinanong namin si John kung hindi ba siya nakararamdam ng kaba bilang orihinal cast ng Banana Split at may mga bagong dumarating na baka matabunan sila.
“Well, hindi, eh. Kasi sa amin sa Banana Split, everything is welcome basta nakitaan namin ng (potential) like si JC (de Vera), ang bilis nga ng panahon, magwa-one year na pala siya sa amin. Mga eight months na siya sa BS and he started as guest and then naging regular na siya.
“Nakita ko kasi o kami na akala ng iba niloloko-loko lang namin ang Banana Split, pero seryoso kami, when we do skits, seryoso naming ginagawa, seryoso kami sa timing kasi iyon ang importante. Eh, nakita namin kay JC ‘yung passion niya doon, mahal niya ang trabaho, hindi siya mahirap pakisamahan, napakabait niya, lagi kaming bonding after taping and okay lahat.
“‘Tapos ngayon si Jessy (Mendiola), first time niyang to go out after this (presscon), iyon kasi ang ginagawa namin (bonding) after tapings para hindi mailang, kaya kung napansin ninyo na binu-bully namin si Jessy kasi we want her to feel comfortable, ayaw naming parang (wala lang), mas awkward kasi kapag hindi mo pinapansin. Gusto naming ipa-feel sa kanya na, ‘o, gaguhin (i-bully) mo rin kami’, okay kami,” paliwanag ng aktor.
Sa puntong ito ng buhay ni John, hindi na raw siya nakikipagkumpetensiya dahil kuntento na siya sa estado niya bilang artista. (REGGEE BONOAN)