Nakatuon ang pamunuan ng Foton Tornadoes na maging isa sa mga nirerespeto at kinakatakutan sa larangan ng sports kung kaya’t hindi lamang sila nakatuon sa pagtala ng pinakamagandang panoorin kundi masungkit ang pinaka-una nitong titulo sa ginaganap na 2015 Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix.

Ito ang dahilan ni Foton Team manager Alvin Lu kaya naman matapos mabigong makatuntong sa nakalipas na kampeonato ng Philippine Super Liga (PSL) All-Filipino Conference ay agad itong nagsagawa ng pagbabago sa kanyang koponan upang maipakita ang determinasyon sa pagpapalakas sa sports at lumapit sa una nitong korona.

“We decided to revamp the team to make it more competitive and became a title contender,” sabi ni Lu.

Iniwan ng Tornadoes ang top pick na si Angeli Pauline Araneta ng UP at ang mga beterano na sina Patty Jane Orendain at Royce Estampa ng USLS, Ivy Elaine Remulla ng DLSU, May Jennifer Macatuno ng Adamson at Maria Carmina Acevedo ng Ateneo upang magsilbing pundasyon at liderato sa koponan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Idinagdag naman nito bilang direct recruit ang 6-foot-5 na si Alyja Daphne Santiago mula NU sa mga batang nais nitong maging buhay at dugo ng Tornadoes kasama sina Jeannie Delos Reyes at Fiola Ceballos ng CPU, Bia General at Ivy Perez mula NU at ang Fil-Am na si Kayla Tiangco-William.

Dagdag ang mga import na sina Kathleen Messing ng Pepperdine University at nagbabalik sa bansa na si Lindsay Stalzer mula Bradley University ay agad kinakitaan ng matinding pagbabago at konsidera ang koponan na matinding hahamon sa kampeonato ng prestihiyosong inter-club na torneo.

Kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto ang Tornadoes sa kabuuang 4-3 panalo-talong kartada kung saan itinala nito ang maiigting na tatlong sunod na panalo upang makadikit sa liderato sa likod lamang ng Petron at Cignal na may 6-2 panalo-talong karta at ang Philips Golds na may 5-2 kartada.

“We are just getting our chemistry now and the players are adjusting very well and trying to know each other’s play,” sabi ni Messing. “We can say that we are now getting to know each other well on the court and we hope that we can be able to pull through in the coming games,” sabi pa nito.

Umaasa naman si Jaja Santiago na agad na nakapagpapakita ng kanyang husay sa una nitong paglalaro sa torneo na maaabot ng Tornadoes ang inaasam nitong pagtuntong sa kampeonato.

“Maganda po sa koponan namin ngayon ay nagkakatulungan kami sa loob at labas ng court. Marami pa din kami natututunan sa aming mga import kasi gusto din talaga nila na manalo kami kaya pinagbubuti din namin ang aming paglalaro,” sabi pa ng miyembro ng pambansang koponan na si Santiago. (Angie Oredo)