DAVAO CITY – Tatlong linggo matapos na hindi siya magpakita sa huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC) sa Maynila at piniling puntiryahin ang re-election sa lungsod na ito, nagbigay ng pahayag si Mayor Rodrigo Duterte kahapon, na ikinasiya at nagdulot ng pag-asa sa kanyang mga tagasuporta.
“Ito, prangka-prangka na, ‘pag patuloy pa rin ang pagpapahirap sa mga Pilipino, I might just decide to run as president.”
Ito ang matapang na pahayag ni Duterte sa kanyang regular TV program na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” kahapon.
Labis na ikinasiya ng libu-libo niyang tagasuporta sa Davao City at maging sa iba’t ibang panig ng bansa at mga overseas Filipino worker ang nasabing deklarasyon ng alkalde.
Agad ding bumaha ng mga reaksiyon at mensahe sa social media mula sa mga tagasuporta ni Duterte, na pawang umaasa na kakandidato sa pagkapresidente ang alkalde.
Hindi ito ang unang beses na nagpahimakas si Duterte na kakandidato nga siya para sa pinakamataas na posisyon sa bansa, sa pamamagitan ng substitution pagsapit ng Disyembre 10, kapag opisyal na siyang inendorso ng PDP-Laban bilang kapalit ng umurong na si Martin Diño, secretary general ng partido.
Sa pagbisita sa puntod ng kanyang mga magulang nitong Nobyembre 2, tinuligsa ni Duterte ang administrasyon sa kabiguang matuldukan ang modus ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at sinabi sa mga mamamahayag dito na dahil sa kontrobersiya ay naiisip na niyang kumandidato sa pagkapangulo.
Kinabukasan, Nobyembre 3, sa pagsusuko sa kanya ng New People’s Army (NPA) sa dalawang sundalong binihag ng mga ito sa Laak, Compostela Valley, sinabihan ni Duterte ang mga mamamahayag na maghintay hanggang Disyembre 10 tungkol sa desisyon niya sa kanyang kandidatura sa 2016.
Kahapon, muling nagpahayag ng pagkadismaya si Duterte sa kawalan umano ng aksiyon ng gobyerno sa kontrobersiya ng “tanim bala”, na sinasabing ang layunin ay makapangikil sa mga paalis na pasahero ng NAIA. (ALEXANDER D. LOPEZ)