Nasungkit ng Cignal ang target nitong twice-to-beat advantage matapos na talunin ang Philippine Navy, 25-20, 22-25, 25-19, 25-17, noong Sabado ng hapon sa Spiker’s Turf Reinforced Conference sa San Juan Arena.

Nakasisiguro na ng Final Four berth makaraang pagtibayin ng HD Spikers ang kanilang kapit sa second spot at ang nasabing panalo na pinangungunahan ni Lorenzo Capate Jr., na nagtala ng 20 hits at 2 blocks para sa kabuuang 22-puntos.

Nag-ambag naman si Herschel Ramos ng 13-puntos sa nasabing panalo at nakamit nila ito kahit wala sina headcoach Michael Cariño at assistant coach Sammy Acaylar.

Ginabayan ang Cignal sa ikaapat nilang panalo sa limang laro ng kanilang assistant coach na si Dexter Clamor.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nagsilbing matibay na sandigan ng HD Spikers ang kanilang floor defense na pinatunayan ng itinala nilang 30 digs kumpara sa 18 lamang ng huli sa pangunguna ni Edmar Bonono na nakagawa ng game high 12 digs.

Nanguna naman para sa Sailors na bumaba sa barahang 1-3, panalo-talo si Nur Admin Madsari na natapos na may 14 hits.

Sa isa pang laban, winakasan naman ng Instituto Estetico Manila ang nasimulang 3-game losing streak matapos walisin ang Sta. Elena, 25-19, 25-23, 26-2 na bumuhay sa tsansa nilang humabol sa huling slot ng semifinals.

Umiskor si Ian Conde ng 15 hits habang nagdagdag naman sina Karl dela Calzada at Jeffrey Jimenez ng 10 at 9 na puntos ayon sa pagkakasunod para pangunahan ang Volley Masters kontra Wrecking Balls.

Dahil sa kabiguan na nagbaba sa kanila sa barahang 1-4, panalo-talo, pormal nang namaalam sa tsansa nilang umusad sa semis ang Wrecking Balls.

Nagposte si Joven Camaganakan ng 12 hits, habang nagtala si Arjay Onia ng 10 puntos upang pangunahan ang Sta.Elena.

(MARIVIC AWITAN)