Naglunsad ng pursuit operations ang Joint Task Group Sulu (JTPS) sa dalawang bayan sa Sulu upang habulin ang mga miyembro ng Abu Sayyaf, kabilang ang isang sugatang sub-leader ng grupo, na tumakas matapos sumiklab ang bakbakan sa Patikul, noong Sabado ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Alan Arrojado, JTGS commander, nakasagupa ng mga tauhan ng Philippine Army ang isang grupo ng Abu Sayyaf at nasugatan si Ben Saudi, Abu Sayyaf sub-leader at kapatid ni Aljine Jaelan Mundok at Ninok Sapari, na leader din ng bandidong grupo.
Bukod dito, isang sibilyan ang nasugatan nang paputukan ng Abu Sayyaf ang isang pampasaherong bus.
Nabatid sa report ng military na si Ben Saudi ay mayroong tatlong warrant of arrest dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot sa mag-asawang Aleman noong 2014 sa Palawan, at ni Yhong Chien sa Basilan.
Ayon sa military intelligence report, na-extricate na sa encounter site si Saudi sa rescue operation na pinangunahan mismo ng kapatid nito na si Ninok Sapari.
Ang sugatang ASG sub-leader ay dinala sa Barangay Tandu Bagua sa Patikul, ayon sa militar.
Agad namang inalerto ang Quick Reaction Force ng 35th Infantry Battalion at ipinag-utos sa lahat ng military unit na maglatag ng checkpoint sa mga posibleng entry at exit points ng mga bandido, sa pakikipagtulungan na rin ng Sulu Police Provincial Office. (Fer Taboy)