Trixie Maristela copy

TINALO ni Trixie Maristela ang 26 na iba pang kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang koronahan siya bilang 2015 Miss International Queen, ang pinakaprestihiyosong beauty pageant para sa mga transwoman, na ginanap sa Pattaya, Thailand.

Si Trixie ang ikalawang Pilipina na nagkamit ng nasabing titulo, kasunod ni Kevin Balot, na kinoronahan noong 2012. 

Ang kompetisyon ay isinagawa mahigit isang linggo simula nitong Oktubre 29, at nagdaos ng iba’t ibang aktibidad sa Pattaya, Bangkok, at Udon Thani sa Thailand, at ang coronation night ay idinaos nitong Biyernes, Nobyembre 6.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Si Trixie ay nagtapos sa University of the Philippines-Diliman, at may degree sa European Languages, major in Spanish at minor in French. Siya ang unang transwoman na talent ng Viva Artist Agency. Isinilang at lumaki sa Maynila, panganay si Trixie sa apat na magkakapatid. Kinikilala na siyang babae kahit noong bata pa.

Kilalang LGBT rights advocate, ilang beses na ring napanood sa telebisyon sa Pilipinas si Trixie, at kasamang nagsulat ng isang best-seller book. Nanalo na rin siya sa ilang pageant sa bansa, kabilang ang Super Sireyna ng Eat Bulaga sa GMA-7 noong 2014, at siya ang nanalo sa unang Miss Gay Manila pageant ngayong taon.

Para kay Trixie, ang Miss International Queen na ang pinakamalaking pageant na sinalihan niya.

“This is the most prestigious pageant for transwomen everywhere, and there were a lot of great candidates from different countries this year. I just feel blessed to have won this year’s crown,” sabi ni Trixie.

Nang tanungin kung ano ang inaasahan niyang magiging ambag niya sa lipunan pagkatapos manalo sa kompetisyon, sinabi ni Trixie na nais niyang maging boses ng transcommunity sa mundo.

“Being trans is a global thing. We all go through the process of transitioning, which is so difficult, especially when cultural norms challenge it. But whatever the race, religion, skin color, nationality, the common denominator is that we are all human beings and we deserve to be loved, respected, and recognized.”

First runner-up kay Trixie si Valesca Dominik Ferraz, ng Brazil; at si Sopida Siriwattananukoon ang second runner up. Pasok rin sa top 10 ang iba pang pambato ng Pilipinas sa 2015 Miss International Queen na sina Francine Garcia at Michelle Binas, at si Francine—na grand winner sa Super Sireyna 2014 — ang nakasungkit ng Miss Popular Introductory Video Award.

Ang korona ni Trixie ay ipinatong ni 2014 Miss International Queen Isabella Santiago, ng Venezuela. (ART STA. ANA)