SA ikaapat na sunod na taon, ang Simbahan ang pinakapinagkakatiwalaan ng mga Pilipino, nakakuha ng 73 porsiyentong trust rating mula sa publiko at 68% mula sa nakababatid na publiko, kasunod ang akademya na may 51% at 46%, at media na may 32% at 23%, batay sa resulta ng survey ng 2015 Philippine Trust Index (PTI).

Inilathala ng public relations firm na EON, tinukoy ng PTI ang antas ng tiwala ng mga Pilipino sa anim na pangunahing institusyon (gobyerno, negosyo, non-government organizations, media, akademya, at simbahan) mula Hulyo hanggang Agosto, 2015. Inisyatibo ng EON ang PTI upang mabatid ang opinyon ng publiko at matulungan ang mga organisasyon na maprotektahan ang kanilang reputasyon, makipagtulungan sa mga katuwang, at magsulong ng ugnayan sa publiko.

Ang survey ay may 12,620 respondent—1,200 ang itinuturing na general public o “kinatawan ng bansa sa kabuuan”, at 600 nakababatid na publiko “mga nagtapos ng kolehiyo at may access sa media para sa mga balita tatlong beses sa isang linggo”—mula sa iba’t ibang socioeconomic, educational, at demographic backgrounds. Isinagawa ang harapang mga panayam sa mga respondent sa mga lalawigan at lungsod sa bansa.

Pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino ang kani-kanilang grupo ng relihiyon kaysa gobyerno, na kabilang sa mga sektor na hindi masyadong pinagkakatiwalaan, dahil sa payo na nakukuha nila mula sa kanilang mga religious leader, ayon sa survey. Ang mga local government unit (LGU) ang pinakapinagkakatiwalaan sa mga sub-institution ng gobyerno, may 19 na porsiyento mula sa general public at 17% mula sa nakababatid na publiko.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nananatiling pinakapinagkakatiwalaan ang Simbahan dahil ang “malakas ang service orientation ng simbahan; makikita mo ang Simbahan na nakikipag-ugnayan sa mahihirap.” Ang tiwala sa mga LGU ay mas mataas kumpara sa gobyerno dahil “mas madaling lapitan ang mga lokal na opisyal”, saad pa sa survey. Tinukoy ng PTI ang tiwala bilang isang pakiramdam ng kumpiyansa ng mga respondent sa isang partikular na institusyon, at may kinalaman sa integridad, kahusayan at pagkakaloob ng mga serbisyo.

Ang Index ay isang nation-building tool upang makuha ang mga opinyon sa “dynamic interplay of trust” sa pagitan ng mga Pilipino at mga institusyon. Ang integridad ng institusyon ang “pangunahing giya sa pagtatamo ng tiwala”, ayon sa EON. Saklaw ng 2015 PTI ang opinyon ng mga unang beses boboto mula sa pampubliko at pribadong sektor tungkol sa mas pinahahalagahang katangian ng isang mahusay na leader, kaugnay ng eleksiyon sa 2016.

Nakatutok ang mga Pilipino sa tatlong pinakamahahalagang katangian ng mga leader sa gobyerno: Nakikinig sa mga constituent, nagpapakita ng tunay na malasakit sa mamamayan, at may matatag na political will, ayon sa survey, tinukoy na dalawa lang sa kada 10 Pilipino ang naniniwala na taglay ng mga opisyal ng gobyerno ang mga katangiang ito.