DAANBANTAYAN, Cebu – Tahimik na nakaupo sa malapit sa pintuan ng katatayo lang niyang bahay sa Barangay Paypay ang 72-anyos na si Lola Pacing Tayong habang tinatanaw ang mga batang masiglang naglalaro sa labas, sa gitna ng bagong kongkretong kalsada. Himbing na himbing naman ang 70-anyos niyang paralisadong asawa sa pagkakahiga sa kamang donasyon sa kanila.

“Kumportable at ligtas na kami rito. Hindi na naipaayos ang bahay namin malapit sa pampang may dalawang taon na ang nakararaan. Ngayon, mahimbing na kaming makakatulog nang hindi kinakailangang alalahanin pa ang dagat,” sabi ni Lola Pacing.

Hindi pa rin nakakalimutan ng matanda ang matinding pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa kanyang bahay. Na-stroke ang kanyang mister habang nananalasa ang bagyo noong Nobyembre 8, 2013.

Isa ang pamilya ni Lola Pacing sa 128 pamilya sa Bgy. Paypay sa Daanbantayan, na maraming bahay ang nawasak ng Yolanda. Eksaktong dalawang taon na ang nakalilipas, nakalipat na ang mga binagyo sa bago at ligtas na mga bahay sa unang Red Cross Village sa Daanbantayan, sa pakikipagtulungan ng French Red Cross.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ang P84-milyon proyekto sa Bgy. Paypay ay ipinatupad sa pakikipagtulungan ng French Red Cross, kasama ang Habitat for Humanity Philippines at France-Philippines United Action. Nag-donate rin sa proyekto ang mga kumpanyang French na Total, Sanofi, at Caisse des Depots.

Sa Ormoc City sa Leyte, 500 pamilyang biktima ng Yolanda ang lumipat na rin kahapon sa kani-kanilang bagong bahay sa Buddhist Tzu Chi Great Love City sa Codilla Land sa Barangay Liloan.

Ayon kay Tzu Chi Philippines President Alfredo Li, may 2,500 bahay pa ang ipapagawa nila sa 50 ektaryang lupa na donasyon ni Ormoc City Mayor Edward Codilla at asawa nitong si Engr.Violy Codilla.

Nauna rito, nagtatag na rin ang Tzu Chi Foundation ng isang komunidad ng mga nasalanta ng Yolanda sa Bgy. San Jose sa Palo.

At kasabay ng paggunita ngayong Linggo sa ikalawang taon ng pananalasa ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng bansa, dalangin ng lahat ng naapektuhan nito na makalipat na sila sa mga permanent shelter na itinayo ng National Housing Authority at mga non-government organization (NGO) bago mag-Pasko.

Sa kasalukuyan, aabot sa 1,128 permanent house ang naipatayo ng NHA at mga NGO para sa mga Yolanda survivors, mula sa target na 16,331 bahay.

Ayon sa tala ng Tacloban City Housing Office, sa 14,162 permanent house na planong ipatayo ng NHA, nasa 572 pa lang ang natatapos habang 556 naman ang natapos ng mga NGO sa pinlano ng mga ito na 2,169 na bahay.

Napaulat na mahigit 2,000 pamilya ang nananatili pa rin sa mga bunkhouse at transitional shelters.

(MARS W. MOSQUEDA, JR., NESTOR L. ABREMATEA at FER TABOY)