Makaaasa na ang publiko ng mas tamang taya ng panahon mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) matapos lagdaan ni Pangulong Aquino bilang isang bagong batas ang RA 10692 o PAGASA Modernization Bill.
“Maraming salamat po, Mr. President. Dahil sa pagpirma n’yo ng batas na ito, mapapalakas na natin ang PAGASA bilang isang sandata sa ating paghahanda sa bagyo at ibang kalamidad na dulot ng nagbabagong klima,” sinabi ni Recto bilang principal sponsor ng batas.
Sinabi ni Recto na inabisuhan na siya ng Malacañang na nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang RA 10692 bagamat hindi pa ito ipinadadala sa Kongreso.
Ang paglagda ni Aquino sa panukala ay magsasakatuparan sa matagal nang naaantalang programa sa modernisasyon ng weather bureau, na P3 bilyon ang inisyal na pondo na ilalabas ng gobyerno para sa equipment upgrade at manpower training.
Ang PAGASA Modernization Law ay may pitong bahagi: Equipment and operational technique, data center, information service, human resources, regional and field weather presence, research at global linkage.
Kabilang sa mga pagkukunan ng pondo para sa bagong batas ay mula sa gross income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na maglalaan ng 50 porsiyentong ibinabahagi sa gobyerno.
Nakasaad din sa bagong batas ang pagtataas ng sahod ng mga kawani ng PAGASA, pagsasagawa ng karagdagang training, at pagbibigay ng scholarship.
Aniya, ito ay upang maiwasan ang pagre-resign ng mga kawani ng PAGASA upang makapagtrabaho sa mga weather agency sa ibang bansa na may mas malaking sahod. (Hannah L. Torregoza)