Nadagdag ang Mt. Timpoong-Hibok-Hibok Natural Monument (MTHHNM) sa Camiguin sa huling tala ng mga national treasure ng Southeast Asia, at ito na ang ikawalong ASEAN Heritage Park (AHP) sa Pilipinas.

“As MTHHNM steps into the pantheon of Southeast Asia’s natural treasures, we wish to generate greater appreciation for the environmental uniqueness of this natural park in the island province of Camiguin,” sabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje.

Ang pagkakasama ng MTHHNM sa listahan ng mga AHP ay isinagawa sa 13th ASEAN Ministerial Meeting on the Environment, na dinaluhan ng mga environment ministers at kanilang mga kinatawan, sa Hanoi, Vietnam nitong Oktubre 26-31.

Ang mga AHP ay mga protektadong lugar na kinikilala dahil sa pagiging pambihira nito at sa kahalagahan sa bansa. Sa pagkilala sa MTHHNM bilang AHP, bahagi na ito ngayon ng regional network ng mga national protected area na pinangangalagaan dahil sa mayayamang ecosystem. ”Umaasa kami na sa pamamagitan ng deklarasyong ito, mas pahahalagahan ng mga Camigueño at ng lahat ng Pilipino at mga bumibisita sa bansa ang kahalagahan at resources nito, at makikipagtulungan para mapangalagaan ito para sa susunod na henerasyon,” sabi ni Paje.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ang MTHHNM ay may kabuuang lawak na 3,739.14 ektarya at noong 2004 ay idineklara bilang protected area sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System, sa bisa ng Presidential Proclamation No. 570.

Nasa parke ang mga ibon na Camiguin Hawk Owl, Camiguin Hanging Parrot, Yellowish Bulbul, at Golden yellow white-eye; ang mammals na gaya ng Camiguin forest rat at forest mouse; at ang mga amphibian na tulad ng Camiguin narrow-mouthed frog. Endemic din sa MTHHNM ang mga medicinal tree, na gaya ng Kalingag (Cinnamomum mercadoi) at Duguan (Myristica philippensis).

Ang iba pang AHPs sa Pilipinas ay ang Mt. Apo Natural Park, Mt. Kitanglad Range Natural Park, Mt. Malindang Range Natural Park, at Mt. Hamiguitan Wildlife Sanctuary, pawang nasa Mindanao; Mts. Iglit-Baco National Park sa Occidental Mindoro; Mount Makiling Forest Reserve sa Laguna; at Tubbataha Reefs Natural Park sa Palawan.

(Ellalyn B. De Vera)