KAGAGALING ko lamang mula sa pilgrimage ng Lady of Guadalupe Shrine sa Mexico. Habang ako ay naroon, sinulat ko ang tungkol sa milagro ng “tilma” o cloak na nakaimprenta sa imahen ng Blessed Mother Mary.
Narito ang postscript ng milagrosong “tilma.” Sa unang pag-aaral sa imahe na isinagawa ni Dr. Aste Tonsmann noong 1979, na nakatuon sa mga mata ng imahen, nadiskubreng hindi lamang milagrosong imahen ang Lady of Guadalupe kundi mayroon ding itong mensaheng nais iparating.
Makikita sa mga mata ng imahen pagdating sa pinakamaliit na detalye ang iba’t ibang human figures na binubuo ng pamilya na may mga bata at isang sanggol na pasan-pasan ng isang babae.
Nais iparating ng nasabing imahe ang kahalagahan ng pamilya na kasalukuyang nakararanas ng matinding pananakot at pag-atake.
Bukod diyan, ang milagrosong imahen ay nagpaparating ng mensahe sa pamamagitan ng pagligtas kay Maria sa mga Aztec na nag-aalay ng buhay ng tao para sa kanilang god of fertility tungkol sa pagiging sagrado ng buhay ng tao.
Ang Babaeng napag-alaman na tatlong buwang buntis ay kinilala bilang espesyal na apela sa ngalan ng mga batang hindi isinilang.
Ito ay may mahalagang gampanin sa kasalukuyang panahon, kung saan tinatangkilik na ang nagkalat na iba’t ibang klase ng kagamitan at artificial birth control na abortifacient.
Nais din nitong iparating ang tungkol sa tumataas na bilang ng pananakit sa mga tao katulad ng pagpatay at massacre na laganap na sa buong bansa ngayon.
Dahil tampok sa milagrosong Lady Guadalupe ang respeto sa buhay, ang dakilang kapistahan nito sa Disyembre 12 ay kasama sa Pro-Life Day sa Pilipinas.
OO NGA PALA… bago pumasok sa malaking basilica na kinapapalooban ng milagrosong “tilma,” kami ay pinaalalahanan ng aming Mexican tour guide na marami at nagkalat ang mandurukot. Dagdag niya: Sila ay nagpapanggap na deboto na nagdarasal ngunit nagmamatyag sa mga puwedeng mabiktimang bisita.”
Naalala ko tuloy ang paalala ng simbahan na: “Don’t leave your bags unattended, some churchgoers might think it is the answer to their prayers!” (Fr. Bel San Luis, SVD)