KATE BRIOS copy

NANINIWALA ka ba sa aswang, Bossing DMB? Naitanong ko ito dahil ang pelikulang Maria Labo na tumatalakay sa ganitong kuwento ay base pala sa mga totoong pangyayari.

 

Madalas tayong makapanood ng mga pelikulang may kinalaman sa aswang, bampira, multo at kung anu-ano pa, pero ang lahat ng iyon ay kathang isip lamang ng scriptwriter at direktor.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

 

Itong Maria Labo, true-to-life story kaya na-serialize pa sa radio maski sinasabi ng iba na urban legend lang ito.

 

Kaya sa presscon ng Maria Labo, inusisa nang husto ang bida ng pelikula na si Kate Brios,

 

“Ukol ito sa isang mapagmahal na ina na may dalawang anak at asawa na isang police. It’s a true-to-life story po sa Negros. Legend po ito sa Western Visayas at Mindanao, kaya maraming nakaaalam sa kuwento niya.

 

“Nag-OFW si Maria sa Saudi para mabigyan ng mabuting kinabukasan ang mga anak. May nakaibigan siya na OFW din doon na siyang naging sanhi sa pagsalin ng pagkaaswang niya.

 

“Pag-uwi ni Maria sa ‘Pinas, iba na minsan ang ugali niya. Sinasaktan niya na mga anak at minsan pinagsisigawan niya sila. Minsan ‘di na niya masikmurang kumain ng pagkain na kinakain ng tao, hanggang dumating sa puntong kumain siya ng buhay na hayop.

 

“‘Yon ang umpisa at nang naglalaway na naman at gutom na gutom at naguluhan si Maria at doon na niya kinatay ang mga anak at ipinakain pa sa kanyang asawang pulis.

 

“Sa labis na galit ay tinaga si Maria ng asawa niya played by Jestoni Alarcon. Iyong ‘labo’ kasi ay Ilonggo word na ang ibig sabihin ay tinaga. Kaya legend itong Maria Labo dahil (naging) drama ito sa isang radio network ng RMN, kaya maraming mga lugar ang nakaaalam sa kuwento niya. Sobrang nakakatakot ang movie na ito, pero may drama rin,” kuwento ni Kate.

 

Base naman sa mga komentong nabasa namin sa social media tungkol kay Maria Labo, walang nakakaalam kung buhay pa o patay na siya dahil may nakakita raw sa kanya sa Bacolod, Romblon, Antique, Mindanao o palipat-lipat daw ng lugar, kung saan may mabibiktima siya.

 

May nagsabing sinunog raw ng taumbayan si Maria Labo sa Romblon at may nagsabing nabuhay at minsan ay nagpapanggap itong malaking aso.

 

Interesting ang istorya ni Maria Labo kaya siguro nagkainteres ang aktor turned director na si Roi Vinzon na gawin ang pelikula.

 

Hmmm, interesado kaming mapanood ang Maria Labo sa Nobyembre 11 mula sa Viva Films para malaman din ang kuwento. Kasama rin ni Kate Brios sa cast sina Miggs Cuaderno, Nesreen Frial, Mon Confiado, Baron Geisler, Sam Pinto, Dennis Padilla, Rey Abellana, Rez Cortez, Ate Gay at marami pang iba.

 

Magkakaroon ng premiere night ang Maria Labo sa Nobyembre 10, sa SM Megamall Cinema 7 na dadaluhan ng buong cast.

(Reggee Bonoan)