TACLOBAN CITY - Sa bisperas ng ikalawang anibersaryo ng pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’, bumulaga kahapon sa mga residente ng siyudad na ito ang mga labi ng anim na pinaniniwalaang biktima ng super typhoon sa likuran ng San Jose National High School sa siyudad na ito.

Sinabi ni Leo Bahin, chairman ng Barangay 87, na naghahanap ng panggatong na kahoy ang isang pedicab driver nang madiskubre nito ang mga bungo ng pinaniniwalaang nasawi sa bagyong Yolanda sa naturang paaralan.

“Ang limang bungo ay narekober dakong 10:00 ng umaga, habang ang isa ay nakita dalawang araw na ang nakararaan,” pahayag ni Bahin.

Aniya, tatlo ang mayroon pang bungo habang ang dalawang iba pa ay may suot na underwear na pambabae. Ang mga natagpuang kalansay ng mga biktima ay halos nakabaon na sa lupa, ayon kay Bahin.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

“Posibleng ang mga ito ay galing sa coastal barangay. Inanod lang dito sa amin,” dagdag ng opisyal ng barangay.

Halos kada buwan, sinabi ni Bahin na nakakadiskubre sila ng mga labi ng biktima ng Yolanda.

Humingi ang mga residente ng tulong sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang makolekta ang mga labi.

Sinabi ni Leyte Rep. Martin Romualdez na ang pagkakadiskubre sa anim na labi ay patunay lang na marami pang biktima ng super typhoon, na tumama sa maraming lugar sa Eastern Visayas noong Nobyembre 8, 2013, ang hindi pa rin matukoy ang pagkakakilanlan.

Ayon sa tala ng gobyerno, aabot sa 6,300 katao ang namatay habang mahigit 1.5 milyong residente ang malubhang naapektuhan ng Yolanda, na itinuturing na pinakamalakas na kalamidad sa kasaysayan ng bansa. (CHARISSA M. LUCI)