Ilang kalye sa Maynila ang pansamantalang isasara sa loob ng apat na araw ng Linggo kaugnay ng pagdaraos ng bar examination sa University of Sto. Tomas (UST) sa Sampaloc, Manila.
Batay sa advisory ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ng Manila Police District (MPD), kabilang sa mga kalsadang isasara sa Nobyembre 8, 15 at 22, ay ang Dapitan St.—mula A. H. Lacson Avenue hanggang Noval Street, gayundin ang P. Noval St.—mula Dapitan St. hanggang España Boulevard.
Ang mga sasakyang dapat ay dadaan sa Dapitan Street patungong Quiapo, mula A. H. Lacson Avenue, ay dapat na dumiretso at kumanan sa España Boulevard patungo sa destinasyon.
Ang mga sasakyang dadaan sa Dapitan Street patungong Quiapo ay kumanan sa A.H. Lacson Ave., kaliwa sa Aragon St., at diretso sa A. Mendoza St. patungong destinasyon.
Ang mga magmumula naman sa Nagtahan via A.H. Lacson Ave. na daraan sa Dapitan St. ay dapat na dumiretso at kumaliwa sa Aragon St., diretso sa A. Mendoza St. patungong destinasyon.
Samantala, sa Nobyembre 29, ang huling araw ng eksaminasyon, sarado ang westbound lane ng Espana Blvd.—mula A.H. Lacson Ave. patungong P. Noval St., mula 3:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.
Isasarado naman ang Dapitan St.—mula A.H. Lacson Ave. hanggang Navarra St., simula 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ang mga sasakyang mula southbound ng A.H. Lacson Ave. ay dapat dumiretso sa Nagtahan patungong destinasyon, habang ang mula northbound naman ay dapat mag-U-turn sa Aragon at dumiretso sa Nagtahan Boulevard. (MARY ANN SANTIAGO)