HINDI lang negosyo ang dinadala ng China sa Pilipinas. Ang pangangamkam nila sa teritoryo natin sa karagatan (West Philippine Sea) ay patuloy na isinasagawa. Maging ang kanilang sariling problema ay nakararating sa ating bansa.
Halimbawa nito ay ang shooting incident na naganap sa Lighthouse Restaurant sa Cebu City kamakailan na ikinamatay ng dalawang Chinese diplomat at ikinasugat ni Chinese Consul General Song Rong Hua.
Batay sa mga report mula sa Cebu City, ang napatay ay sina Chinese deputy consul Sun Shan at finance officer Hui Li. Ang mga suspek ay sina Li Qing Ling at ginang niyang si Consul Gou Ling. Naibalik na sa China ang mga suspek at doon lilitisin dahil may diplomatic immunity sila at hindi puwedeng litisin sa ‘Pinas.
Nagbabasa pala ng BALITA ang Kinatawan ng Tondo (Ist District) na si Rep. Benjamin “Atong” Asilo. Akala ko ay tulad siya ng ibang Ingleserong kongresista na hindi nagbabasa ng mga Tagalog newspaper. Siya ang katambal ni ex-Manila Mayor Fred Lim sa mayoralty race sa siyudad kalaban sina Mayor Erap at Rep. Amado Bagatsing. Naniniwala siya na dapat ipagpatuloy ang sinimulang “Tuwid Na Daan” ni PNoy. Sina Lim at Asilo ang official candidates ng Liberal Party.
Kung nais daw nating matamo ang kaunlaran, kapayapaan at pagsugpo sa kurapsiyon, dapat tumalunton sa matuwid na landas ang mga pinuno ng bayan at hindi maging “kawatan ng pera ng bayan.” Dapat gamitin ang pondo at pera ni Juan sa mga makabuluhang proyekto at hindi isilid sa kanilang mga bulsa at magpasarap sa buhay. Dapat silang maging tunay na lingkod ng mamamayan at hindi amo ng bayan pagkatapos ng halalan.
Si Asilo ay mula sa angkan ng mahirap kaya alam ang pulso at damdamin ng mahihirap. Siya ang chairman ng House Committee on People’s Participation at vice chairman ng House Committee on Housing. Noong nakaraaang Undas, nagkaloob siya ng 100 sasakyan na naghatid at sumundo sa taga-Tondo sa sementeryo. Si Cong. Asilo ay tunay na “asylum” ng mga dukha at gahol sa buhay.
Siyanga pala, isa pang matalik na kaibigan ni PNoy ang sinibak ng Office of the Ombudsman bunsod ng kasong katiwalian sa nawawalang AK-47 assault rifles na napasakamay lang daw sa mga NPA. Siya ay si PNP Chief Supt. Raul Petrasanta kasama ang 11 iba pang officer at sibilyan. Ang una ay si ex-PNP Director General Alan Purisima.
Sinasabing may 1,004 Russian-made AK-47 assault weapons na nagkakahalaga ng multi-milyong piso ang ipinagbili raw sa NPA mula noong 2011 hanggang 2012. Itinanggi ito ng mga akusado. Pero, kung totoo ito, anong uri kayong mga pulis na sa halip na maging protektor ng mamamayan ay killer pa pala ng mga Pinoy! (BERT DE GUZMAN)