SA ikalimang pagkakataon, muling gagawin ang Hane Festival sa Tanay, Rizal. Ang Hane ay isang salita na ginagamit ng mga taga-Tanay kapag may ipinakikiusap o ipinagbibilin sa anak, kaibigan, kamag-anak at kababayan. Ngayong 2015, ang paksa o tema ng Hane Festival ay: Yamang Kalikasan, Lakbayin sa Tanay.

Pangungunahan ang pagdiriwang na ito nina Tanay Mayor Lito Tanjuatco, Vice Mayor Jimmy Vista at mga miyembro ng Sanggunian Bayan. Inihudyat ang pagdiriwang ng “Sabawan Night” o Food Night Market noong Oktubre 24 sa gilid ng Tanay Park.

Tampok ang mga panindang pagkain ng mga tindero’t tindera sa iba’t ibang barangay ng Tanay at sinundan ng Art Exhibit noong Oktubre 26 sa 2nd floor ng munisipyo ng Tanay. Matatapos ito sa Nobyembre 14. Noong Nobyembre 3 isinagawa ang Photo Exhibit sa first floor ng munisipyo na tampok ang mga nagwagi sa photo contest at iba pang kalahok sa timpalak.

At nitong Nobyembre 7 idinaos ang choral competition ng mga mag-aaral sa public elementary school. May gantimpalang P10,000 para sa unang nagwagi, P7,000 sa pangalawa at P5,000 naman sa pangatlo at tig-P1,000 sa mga nakiisa sa kompetisyon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon kay Joyce Gapido ng Public Imformation Office (PIO) ng Tanay, tampok naman sa huling tatlong araw ng Hane Festival ang mga sumusunod na activity. Sa umaga ng Nobyembre 12 ay magkakaroon ng misa sa simbahan ng Saint Ildefonso parish bilang pasasalamat. Kasunod ang isang maikling programa sa Tanay Park, mass dancing, boodle fight, cooking contest at palaro ng lahi para sa mga batang mag-aaral sa elementary at paligsahan tungkol sa Ynares Eco System (YES) to Green Program ng mga mag-aaral sa public at private school sa Tanay. Sa hapon ay ang pagsisindi ng mga parol sa Tanay Park. Susundan ito ng paggagawad ng pagkilala sa mga nagwagi sa photo contest at art exhibit.

Gayundin ang mga top business tax payer at top real property tax payer sa Tanay.

Sa umaga ng Nobyembre 13 ay ang Search for sa Pinaka sa Tanay at sa gabi naman ang koronasyon ng tatanghaling Mutya ng Tanay at ang pagpapakilala sa 20 dalagang lumahok sa timpalak ng Mutya ng Tanay. At para sa huling araw ng Hane Festival sa Nobyembre 14, magkakaroon naman ng street dancing at People’s Parade na magsisimula sa harap ng munisipyo ng Tanay. Lilibot sa ilang pangunahing kalye sa Tanay at magwawakas sa Tanay Park. Sa Hane Festival, nakikita ang pagkakaisa ng mga taga-Tanay sa pagpapahalaga ng tradisyon at kultura. (CLEMEN BAUTISTA)