DALAWANG taon ang nakalipas ngayon nang manalasa ang super-typhoon ‘Yolanda’ sa Eastern Visayas, ginulat ang lahat—ang gobyerno maging ang mga Pilipino—sa kawalan ng ideya sa matinding pinsala na idudulot ng napakalakas na hangin at nagngangalit na delubyo na umahon mula sa dagat. Nakasisindak ang dami ng nasawi: 6,193, 28,689 ang nasugatan, at 1,061 ang nawawala.
Inabot ng isang taon ang gobyerno bago makabuo ng master plan—ang Yolanda Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plan—na nasa P167.9 bilyon ang ipinanukala. Sa kabuuang halaga, P75.6 bilyon ang para sa pagpapatayo ng mga bahay para sa mga survivor; P35.1 bilyon para sa mga proyektong imprastruktura; P30.6 bilyon para sa mga proyektong pangkabuhayan; at P26.4 na bilyon para sa mga serbisyong panlipunan.
Isang taon na ang nakalipas matapos aprubahan ang master plan at iniulat ngayong linggo ng Social Watch Philippines (SWP) ang natuklasan nito sa progreso ng rehabilitasyon. Ayon dito, humiling ang Department of Agriculture ng P1.217 bilyon para sa mga proyektong pang-imprastruktura sa agrikultura at isinumite ang lahat ng kinakailangang dokumento noong Mayo 2015, ngunit hanggang nitong Agosto ay hindi pa rin inilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo.
Sa mga proyektong pangkabuhayan pa lang, nasa 25 porsiyento lang ng mga kinakailangan sa pamumuhunan ang nailabas ng DBM, ayon sa SWP.
Tinukoy ng SWP na sa kabila ng matinding pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura, tumanggap lang ang DA at Philippine Coconut Agency (PCA) ng 29 na porsiyento at 27 porsiyento ng pondong nakalaan sa kanila, ayon sa pagkakasunod. Taliwas ditto, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay tumanggap ng 122 porsiyento ng hiningi nitong pondo para sa Yolanda rehabilitation master plan, habang 121 porsiyento naman ang natanggap ng Department of Interior and Local Government (DILG), ayon kay SWP convenor Leonor Magtolis Briones, dating national treasurer.
May isang linggo na ang nakalipas nang nagpalabas ang Commission on Audit (CoA) ng kaugnay na ulat para sa mga biktima ng Yolanda. Ang Office of Civil Defense (OCD), ayon sa report ng CoA, ay tumanggap ng P137 milyon mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at iba pang sources bilang mga donasyon para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta, ngunit idineposito lang ang mga donasyong ito sa isang trust account sa Development Bank of the Philippines, na kumita na ang pera ng P1.7 milyon halaga ng interes.
Tinukoy din ng CoA ang nauna nitong tuklas na P382 milyon ng mga lokal at dayuhang donasyong pera para sa mga biktima ng Yolanda—33 porsiyento ng P1.15 bilyon na tinanggap ng DSWD mula sa mga donor—ang nananatili pa rin sa mga bank account ng DSWD.
May malawakang reklamo tungkol sa mabagal na progreso ng programa sa rehabilitasyon para sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda. Sa 205,128 pabahay na pinlano para sa mga biktima ng bagyo, tanging 16,000 ang nakumpleto. Dahil ditto ay nagpatawag ng imbestigasyon si Rep. Alfredo Benitez, chairman ng House Committee on Housing and Urban Development, sinabing hindi maaaring basta ipagkibit-balikat ang kabiguan ng mga nagpabayang ahensiya ng gobyerno.
Ito ang sitwasyon ngayon, dalawang taon makalipas ang paghagupit ng Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Walang dudang maraming dahilan para sa hindi kagandahang record. May mga hinala pa nga—gaya ng inihayag ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.—na ang mga hindi nagamit na pondo ay posibleng gamitin sa pangangampanya para sa mga kandidato ng administrasyon sa eleksiyon sa susunod na taon.
Umasa tayong hindi ito ang magiging kahahantungan ng lahat, at patuloy na umasam na ang programa sa rehabilitasyon para sa mga lugar na sinalanta ng Yolanda ay aapurahin na, upang kapag muli nating inalala ang trahedya ng Yolanda isang taon mula ngayon—ay hindi na pawang pagpuna gaya ng ginagawa ng marami ngayon—kundi pasasalamat na sa wakas ay maayos na ang lahat.