Anim na auditor ng Commission ng Audit (CoA) ang sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman dahil sa pagtanggap ng malalaking bonus mula sa Local Water Utilities Administration (LWUA) mula 2006 hanggang 2010.
Kabilang sa mga ito sina CoA auditors Juanito Daguno, Jr., Proceso Saavedra, Teresita Tam, Corazon Cabotaje, Evangeline Sison at Vilma Tiongson.
Kasama rin sa tinanggal sa serbisyo ang mga data machine operators ng komisyon na sina Violeta Gamil at Roberto Villa.
Sa kautusan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, ipinadi-disqualify din ang mga ito sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno, gayundin ang pagkansela sa kanilang eligibility at retirement benefits.
Pinakakasuhan din ng Ombudsman ng paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang mga opisyal ng CoA na sina Edna Anical, Thelma Baldovino, Evelyn De Leon, Daguno, Jr., Nestorio Ferrera, Gamil, Zoharayda Obog, Ligaya Principio, Jesusa Punsalan, Saavedra, Paulino Sarmiento, Tam, Villa, Cabotage, Sison at Tiongson, dahil sa multi-million peso grant ng karagdagang kabayaran at bonus.
Pinatawan din ni Ombudsman Morales ng 60-day suspension ang mga opisyal ng LWUA na sina Lorenzo Jamora, Wilfredo Feleo, Orlando Hondrade at Daniel Landingin dahil napatunayan na nagkasala ang mga ito sa reklamong simple misconduct.
Natuklasan sa imbestigasyon ng anti-graft agency na inaprubahan at pirmado ni Jamora at ng iba pang opisyal nito ang Letters of Instructions na nag-uutos sa pagpapalabas ng mga tseke na sumasaklaw sa irregular bonuses na may kabuuang halagang P25 milyon para sa LWUA at CoA personnel mula 2006 hanggang 2010.
Sa record ng CoA Human Resource Office, tumanggap si Anical ng P789,000 kabayaran at bonus; Baldovino, P886,000; De Leon, P517,000; Daguno, Jr., P615,000; Ferrera, P961,000; Gamil, P834,000; Obog, P658,000; Principio, P642,000; Punsalan, P602,000; Saavedra, P692,000; Sarmiento, P703,000; Tam, P592,000; Villa, P650,000; Cabotage, P542,000; Sison, P183,000; at Tiongson, P164,000.
“The amount given were huge and such that a CoA machine operator assigned at LWUA received as much as P140,000 and P43,000 in November 2006 alone. They each received bonuses twice a month in November 2006, September and December 2007, September and December 2008, and March 2010,” anang Ombudsman. (Jun Ramirez)