Aabot sa 56.4 milyon ang makakaboto sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Base sa preliminary report ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Spokesman James Jimenez na nalagpasan nila ang target na 54 na milyong rehistradong botante.

Ang datos ay kumakatawan sa 97 porsiyento ng kabuuang bilang ng nagparehistrong botante na isinumite ng mga Comelec regional office matapos ang deadline nitong Oktubre 31, 2015.

Ang Region 4-A ang nagtala ng may pinakamaraming rehistradong botante na umabot sa 7.6 milyon, kasunod ang National Capital Region (NCR), 6.2 milyon; Region 3, 6 milyon; Region 7, 4.3 milyon; at Region 6, 4.1 milyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Hindi pa kasama sa bilang ang 1.3 milyong overseas absentee voter (OAV) na nagparehistro sa ibang bansa.

Ayon kay Jimenez, malaking tulong sa pagdami ng nagparehistrong botante ang malawakang information drive ng Comelec, sa tulong na rin ng media.

Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na pinag-aaralan din nila kung gaanong kaepektibo ang isinagawang voters’ registration sa mga shopping mall sa pagdami ng nagparehistro, dahil ito ang unang pagkakataon na ipinatupad ng Comelec ang naturang programa.

Subalit nilinaw ni Jimenez na maaari pa ring magbago ang bilang ng mga registered voter matapos ang pagdinig ng Election Registration Board (ERB), na magsisimula sa Nobyembre 16, at kapag nakumpleto na nila ang mga ulat mula sa mga Comelec regional office.

“What will happen there is voter’s applications will pass through the ERB so that just in case someone will question their right to vote in the area where they registered. This will potentially reduce slightly (the number of voters),” ani Jimenez.

Plano ng Comelec na ilabas ang pinal na listahan ng mga botante sa kalagitnaan ng Disyembre, bago ang pag-iimprenta ng mga balota para sa 2016 elections. (Samuel P. Medenilla)