Magsasagupa ang mga atleta mula sa kabisayaan sa pagsabak sa kabuuang 13 sports sa probinsiya ng Antique na siyang tatayong host sa gaganaping 2015 Philippine National Games Visayas Qualifying Leg na magsisimula ngayong Martes, Nobyembre 10 hanggang 14 sa San Jose, Antique.

Inaasahang dadalo ang may 10,000 atleta, coaches, mga bisita sa probinsiya.

“We are very happy to have accepted the challenge of the national government for us to host the sports event,” ang pahayag ni Governor Rhodora J. Cadiao sa pagtanggap sa delegasyon ng Philippine Sports Commission (PSC).

Unti-unti na ring nagsidatingan ang mga delegasyon mula sa karatig-lugar ng Antique kung saan nangunguna ang Maasin City, Leyte at ang powerhouse na Cebu City at Cebu Province.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sinabi ni Cadiao na nakahanda na ang Evelio B. Javier Memorial Sports Complex para sa pagsasagawa ng torneo na kung saan maliban sa pagsasagawa ng sports event ay asam din ng lokal na pamahalaan na maging parte ang aktibidad upang maipakilala ang turismo ng probinsiya.

Isasagawa naman ang athletics sa Evelio B Javier Memorial Sports Complex, archery sa Antique National School field, badminton sa St. Anthony’s College, boxing sa Macapagal Arroyo Stadium, chess sa DepEd Rooftop; karatedo sa Antique National School Covered Court, billiards sa San Jose Billiards Hall, arnis sa Delegate Angel Salazar Elementary School, swimming sa Binirayan Swimming Pool, taekwondo sa Evelio B. Javier Gym, pencak silat sa University of Antique Sibalom Campus, weightlifting sa Evelio B. Javier Memorial Park at ang Muay Thai sa Assemblyman Segundo Moscoso Memorial School.

Nasa ikalimang taon naman ang POC-PSC National Games at Batang Pinoy na isinasagawa katulong ang Philippine Olympic Committee (POC), Department of Education (DepEd), Department of the Interior at Local Government (DILG) pati mga respetadong Local Government Unit (LGU) sa paghahanap ng mga pinakamagagaling na batang atleta sa bansa.

Noong nakaraang taon, umaabot sa kabuuang 11,206 atleta mula sa 550 local government units sa Luzon, Visayas at Mindanao ang sumali sa 31 sports sa Batang Pinoy habang ang National Games ay nilahukan ng 8,439 atleta mula sa 494 LGUs na sumali sa 46 sports. (Angie Oredo)