Problemado ngayong Pasko ang may 150 pamilya makaraang tupukin ng apoy ang 50 bahay sa sunog sa Navotas City, nitong Biyernes ng gabi.

Base sa report, dakong 6:00 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa Pier 5 sa Barangay San Roque, ng nasabing lungsod.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sa bahay umano ni Cerdelia Beroy nagsimula ang sunog, matapos sumingaw ang isang LPG tank na naiwang nakabukas.

Dahil karamihan sa kabahayan ay gawa sa kahoy, mabilis na gumapang ang apoy at agad nadamay ang mga katabing bahay nito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Makipot ang daan patungong Pier 5 kaya nahirapan ang mga bombero na maipasok ang mga fire truck.

Dakong 8:30 ng gabi nang ideklarang fire out ang sunog, at umabot sa P1.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok.

Sugatan naman ang isang hindi pa nakikilalang bombero matapos na lumusot siya sa bubungan na kanyang dinaanan.

Sa covered court muna namamalagi ang mga nasunugan at naghihintay ng ayuda mula sa pamahalaang lungsod ng Navotas.

(ORLY BARCALA)