Sampung Pilipina, na sinasabing biktima ng pananamantala at pang-aabuso, ang uuwi sa bansa makaraang mailigtas ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad at ng mga awtoridad sa rehiyon ng Kurdistan sa Iraq.

Nagpapasalamat ang Embahada ng Pilipinas sa Kurdistan Regional Government sa matagumpay nitong operasyon na naging dahilan upang maisalba ang 10 Pinay, maaresto ang kanilang employer, at maisara ang establisimyento nito.

Gayundin, nagpapasalamat ang Philippine Embassy sa International Organization for Migration (IOM) sa mahalaga nitong papel sa pagkakaligtas sa mga biktima mula sa pang-aabuso at hindi makatarungang trabaho ng mga ito sa isang spa sa Erbil, na pagmamay-ari ng isang Lebanese national.

Base sa kanilang testimonya sa Embahada at sa operatiba ng Kurdish, ang 10 Filipina ay nagtatrabaho sa loob ng 12 oras, at sa isang linggo ay tatlong oras lang ang kanilang pahinga. Binabayaran sila ng $300 kada buwan, taliwas sa naunang pangakong susuwelduhan sila ng $500 kada buwan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Philippine Embassy Chargé d’Affaires Elmer G. Cato na binabawasan pa ang suweldo ng mga Pinay ng mula $100 hanggang $500 bilang kabayaran sa paninigarilyo, kapag sila ay nakatulog sa trabaho at kapag hindi nila nalinis nang maayos ang mga banyo.

Nabatid na nagsagawa muna ng matagal na pagmamanman ang mga ahente ng Embahada sa nabanggit na establisimyento mula pa noong Hunyo, matapos na dalawang Pilipina ang nakatakas at isinumbong ang pananamantala at pang-aabuso ng kanilang employer.

Nakipag-ugnayan ang Embahada sa Ministry of Interior of Kurdistan Regional Government na agad ding binigyan ng maayos na matitirahan ang 10 Pilipina. (Madel Sabater-Namit)