BINARIL at napatay ang radio reporter at broadcaster na si Jose Bernardo sa Quezon City nitong Sabado. Siya ang ika-170 mamamahayag na napatay sa Pilipinas simula noong 1986, ang mismong taon na naibalik ang kalayaan sa pamamahayag sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution na nagwakas sa batas militar at diktadurya.
Nangyari ang pagpatay dalawang araw matapos gunitain nitong Nobyembre ang International Day to End Impunity for Crimes against Journalists, isang araw na itinakda ng United Nations noong 2013 upang manawagan sa mga miyembrong estado para magpatupad ng mga epektibong hakbangin upang matuldukan na ang kultura ng kawalang hustisya sa mga krimeng gaya nito.
Ang Pilipinas ay isa sa apat na bansa na ayon sa International Federation of Journalists (IFJ), na nakabase sa Brussels, Belgium, ay may pinakamalalang record ng kawalang hustisya sa pagpatay sa mga mamamahayag. Ang tatlong iba pa ay ang Mexico, Yemen, at Ukraine.
Limampung mamamahayag ang napaslang kaugnay ng kanilang trabaho sa Mexico simula noong 2010, 89 na porsiyento sa mga kasong ito ang hindi pa rin nareresolba. Sa Yemen, may 15 pagpatay simula noong 2011. Sa Ukraine, walo ang napaslang simula 2014. Pilipinas naman ang may hawak ng record: 170 mamamahayag ang pinatay—kabilang si Bernardo—simula 1986.
Sa kabuuang bilang na ito, 32 ang napaslang sa Maguindanao massacre noong 2009.
Ang paggunita sa International Day to End Impunity for Crimes against Journalists ay magpapatuloy ngayong taon hanggang sa Nobyembre 23, ang ikaanim na anibersaryo ng massacre, na ang ikatlong linggo ay inilaan sa Pilipinas bilang may hawak ng record sa pinakamaraming mamamahayag na pinaslang. Ang Maguindanao massacre din ang pinakamatinding pag-atake sa mga mamamahayag, sa iisang pagkakataon, sa buong kasaysayan ng mundo.
Binibilang ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang bilang ng mga mamamahayag na napatay sa bansa. Sa mundo, pinangungunahan ng International Federation of Journalists ang taunang kampanya na ang pangunahing layunin ay “hold world governments and de facto authorities accountable for impunity records for crimes targeting journalists.”
“Murder is the highest form of these crimes but all attacks targetting journalists that remain unpunished must be denounced. There can be no press freedom where journalists work in fear,” anang IFJ.
Para sa isang bansa na ipinagmamalaki ang malayang panmamahayag nito, hindi tamang balewalain lang ito ng ating gobyerno.