Dinampot ng mga tauhan ng District Anti Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) ng Quezon City Police District (QCPD) ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang retiradong pulis, sa isinagawang anti-narcotics operation sa Barangay Bagong Pagasa, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Edgardo G. Tinio ang nadakip na retiradong pulis na si SPO1 Francisco D. Tangonan, 53, ng Solano, Nueva Ecija, ng Sitio San Roque, Bgy. Pagasa, Quezon City.
Naaresto rin sina Ricardo Calara, 45; Victor Reforma, 33; Orlan Merloza, 26; Lea Ann Maligo, 32; at Cecillia Nolasco, 37, pawing taga-Sitio San Roque, Bgy. Bagong Pagasa.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 18 sachet na naglalaman ng shabu at nagkakahalaga ng P60,000, drug money at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nakapiit ngayon ang mga hinihinalang tulak makaraang kasuhan sa Quezon City Prosecutors’ Office ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Base sa report ni Supt. Enrico Figueroa, hepe ng DAID, dakong 12:30 ng umaga nang isinagawa ng mga operatiba ng DAIDSOTF ang entrapment operation sa Sitio San Roque. (Jun Fabon)