ANG National Food Fortification Day ay taunang ginugunita tuwing Nobyembre 7, alinsunod sa Executive Order 382 na ipinalabas noong Oktubre 9, 2004, upang tutukan ang kasapatan ng micronutrient at ang tungkulin nito sa kabuuang kalusugang pisikal at kaisipan ng mga Pilipino. Ang kakulangan sa micronutrient ay isang problemang pangkalusugan na tinutugunan ang mga programang gaya ng pangmatagalang food fortification, partikular na sa mga sektor na nangangailangan nito—ang mga buntis at nagpapasuso, mga bata, matatanda, at mga maysakit.

Ang food fortification, isa sa mahahalagang programa ng Philippine Plan of Action for Nutrition, ay nagdadagdag ng tatlong pinakamahahalagang micronutrient—vitamin A, iron, at iodine—sa mga pagkaing karaniwang kinokonsumo ng mga grupong delikado sa micronutrient deficiency. Ang mga suliranin sa kakulangan sa vitamin A, iron, at iodine ay maaaring masolusyunan ng food fortification.

Ang kakulangan sa micronutrient ay maaaring magbunsod ng hindi paglaki, kakulangan sa timbang, at hindi maayos na pagde-develop ng utak. Ayon sa isang survey, 20.2 porsiyento o dalawa sa 10 batang Pilipino na edad lima pababa ang kulang sa timbang at 33.6 porsiyento o tatlo sa 10 ang maliit para sa kabilang edad.

Saklaw ng food fortification ang mga inaangkat at lokal na pinoprosesong pagkain na ibinebenta sa bansa, maliban sa mga dietary supplemens; ang para i-export o para gamitin sa produksiyon ng iba pang produktong pagkain, gaya ng inumin; ang brown rice, at kaning malagkit.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang polisiya sa food fortification ay nakasaad sa RA 8172 noong 1995, na nagsusulong ng iodization ng asin, at RA 8976 noong 2000, ang Philippine Food Fortification Act, na nag-oobliga na lagyan ng iodine ang asin, ng iron ang bigas, ng vitamin A at iron ang wheat flour, ng vitamin A ang mantikang pangluto, at ng vitamin A ang asukal, upang matugunan ang kakulangan ng diet ng mga Pinoy sa mga ito. Ang RA 8976, na nagpaigting sa programa, ay binubuo ng dalawang bahagi: Boluntaryong food fortification, na nilalagyan ng mga manufacturer ang kanilang mga naprosesong pagkain at iba pang produkto ng bitamina batay sa mga panuntunan ng Department of Health-Food and Drug Administration (DoH-FDA); pag-obliga sa fortification ng mga pangunahing pagkain, batay sa mga patakaran ng DoH.

Ang mga pagkaing fortified, gaya ng katas ng prutas, isda at karne, instant noodles, keso, at gatas ng sanggol ay may DoH Sangkap Pinoy Seal (SPS) sa pakete ng mga ito. Dapat na bilhin ng mga mamimili ang mga produktong may SPS; may 139 na processed food products na may SPS, 37 porsiyento ng mga ito ay snack food.

Ang food fortification ay nagkakaloob sa bawat Pilipino ng 50 porsiyento ng Recommended Dietary Allowances (RDAs) upang mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay at maiwasan ang kakulangan sa micronutrient. Ang RDAs ay ang antas ng nutrisyon na kinakailangan upang mapanatili ang kalusugan ng katawan.