Matapos ang anim na magkakasunod na buwan ng pagbaba, sinabi ng Manila Electric Company (Meralco) na tataas ang singil nito sa kuryente para sa residential customers ngayong Nobyembre ng P0.13 per kilowatt hour (kWh), bunga ng pagtaas ng generation charge.

Sa kabila ng adjustment, sinabi ng Meralco na ang overall rate ngayong buwan ay nananatili sa ikawalang pinakamababa simula Enero 2010.

Sa isaang pahayag, sinabi ng Meralco na tumaas ang generation charge ng P0.019 per kWh, na kasalukuyang nasa P4.08 per kWh, ang ikalawang pinakamababa simula noong Enero 2010.

Binanggit nito ang mas mataas na singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na tumaas ng P1.19 per kWh, itinulak ng dagdag na pagpalya ng ilang power plant nitong October supply month. Tumaas din ang average rate ng mga planta, sa ilalim ng Independent Power Producers (IPP), ng hanggang P0.10 per kWh dahil sa mas mababang dispatch ng mga planta, na bahagyang napunan ng mas mababang presyo ng natural gas.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Binanggit ng Meralco na ang kabuuang electricity bill para sa isang karaniwang tahanan na kumukonsumo ng 200 kWh ay tataas ng hanggang P26 sa Nobyembre kumpara nitong Oktubre.

Bago ang adjustment na ito, ang total rate reduction sa nakalipas na anim na buwan ay nasa P2.26 per kWh.

Sa P8.55 per kWh overall rate ngayon buwan, mas mabababa pa rin ito ng P1.51 kumpara noong Nobyembre 2014 na nasa P10.06 per kWh. (MARICEL BURGONIO)