Ipinauubaya ng Palasyo sa Department of Justice (DoJ) ang imbestigasyon sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
“We will defer to DoJ to look into the matter as the NBP is under its jurisdiction,” nakasaad sa text message ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa Malacañang media.
Ito ay matapos nasamsam ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang iba’t ibang kontrabando sa loob ng Maximum Security Compound ng NBP na kinabibilangan ng mga droga, sex toy, armas, electronic gadget at malaking halaga ng salapi mula sa mga dormitory na inookupahan ng mga criminal gang.
Una nang inatasan ni Justice Secretary Alfredo Benjamin Caguioa ang Bureau of Corrections (BuCor) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa pagpupuslit ng mga ilegal na gamit sa loob ng Maximum Security Compound.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na nakadiskubre ang awtoridad ng mga ilegal na gamit sa loob ng NBP na karaniwang pag-aari ng mga high-profile inmate.
Ilang sektor ang nanawagan na rin sa Malacañang na ipag-utos ang lifestyle check sa mga kawani ng NBP at BuCor upang matukoy kung nakinabang ang mga ito sa pagpupuslit ng mga kontrabando sa pangunahing piitan sa bansa, na dapat sana’y bantay-sarado ang mga bilanggo laban sa marangyang pamumuhay. (Genalyn D. Kabiling)